IKA-25 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON A


MASISIPAG ANG MGA PILIPINO

Ang pangunahing tema ng mga pagbasa ngayon ay ang pagtawag ng Diyos sa ating lahat, sa lahat ng oras at sa lahat ng lugar. Pero may nakapagtatakang detalye ng pagbasa na dapat bumagabag sa ating puso.  Sabi ng may-ari ng lupain, “Bakit kayo walang ginagawa dito?” Sagot ng mga tao  “wala po kasing magbigay sa aming ng trabaho.”   Di ba nakakalungkot na maraming tao ang nais mag-trabaho pero walang mapasukang hanap-buhay?

May kwento tayo tungkol kay Juan Tamad, na nakakatawa sa katamaran at pag-asa na lamang sa iba.  Subalit ang tunay na Pinoy ay masipag, hindi tamad.  Kung hindi ganoon, bakit in demand tayo sa ibang bansa? At pinupuri ang ating gawain at performance doon?
Ang lumalalang sitwasyon sa ekonomiya ang nagtutulak sa mga tao na mawala sa mga pagawaan, sa mga opisina at manatiling walang saysay kahit sa batam-bata nilang buhay. Malungkot pagmasdan ang mga maraming malalakas at may kakayahang kababayan natin na nariyan lang sa tabi at nakatunganga, nangangarap, naghihintay ng pagkakataon. Naranasan ko ang makita ang tatay ko na walang trabaho at matinding kalungkutan ang naidulot nito sa aming pamilya.  Nangyayari pa rin ito sa maraming pamilya ngayon.

Paano tayo nakakalampas sa ganitong pagsubok? Sabi sa ebanghelyo:  “Pumaroon kayo sa aking ubasan.” Isipin ninyo na lang ang reaksyon ng mga tao sa paaanyaang ito.  Siguro tuwang-tuwa silang pumunta sa ubasan, bitbit ang mga gamit nila at iniisip na ang upa na tatanggapin nila at gagamitin para sa pamilya.

Ang mga kababayan natin ngayon ay sabik sa trabaho tulad ng mga tao sa ebanghelyo.  Ang tunay na Pinoy ay hindi madaling sumuko kundi palaging lumalaban na may karangalan at paggalang sa sarili.  Sa gitna man ng krisis, nakakahangang masdan ang mga tao na nagtitinda ng candy o bulaklak, naglalako sa bahay-bahay, nag-aaral ng bagong kaalaman.  Kahit ang mga ekonomista ay nagtataka sa ating lakas ng loob at pag-asa.

Sa Misa ngayon, ipanalangin natin na gabayan ng Diyos ang ating bayan at ang buong daigdig upag magkaroon ng mas maraming pagkakataon para sa bawat isa. Sana  magkaroon na ng hanap-buhay ang mga naghahangad nito.  Sana ang mga batang nagta-trabaho ay maging ligtas at mabigyan ng proteksyon.  Sana ang mga kabataan ay mag-aral nang mabuti upang mabago nila ang kapalaran ng kanilang pamilya.  Sana  ang mga pulitiko ay tunay na mag-isip ng maitutulong upang maging mabunga ang ating bayan para sa lahat ng nangangailangan. Sa tulong ng Diyos at sa ating tiwala sa sarili, ibabangon natin ang ating buhay sa anumang pagsubok.

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

GOMBURZA: BAKIT MAHALAGA?

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS