DAKILANG KAPISTAHAN NG PAGSILANG NI SAN JUAN BAUTISTA



MERONG HIMALA!





Nagdiriwang po tayo ngayon ng isa sa 3 kaarawan lamang sa kalendaryo ng simbahan. Nagagalak tayo sa pagsilang ni Kristo sa Disyembre, ng Mahal na Birhen sa Setyembre, at ngayong Hunyo, sa kaarawan ni Juan Bautista.



Si Juan ay masasabing “unexpected” child – hindi inaasahan. Matagal nang walang bunga ang pagsasama ng kanyang mga matatanda na at bago pang mga magulang. Kaya si Juan ay “unexpected” pero nang kalaunan, naging “miracle” child – isang himala! Malaking surpresa siya sa kanyang mga magulan, kamag-anak, at sa mga taong nasa paligid niya na nakarinig ng mabuting balita.



At lalo pang himala si Juan nang patuloy siyang nabuhay sa lilim ng Espiritu Santo habang siya ay lumalaki, habang siya ay naglilingkod, at habang siya ay gumaganap ng kanyang misyon. Nakatalaga sa kadakilaan, nakamtan niya ang kaganapan sa buhay, at maging sa kamatayan. Ang pagkakilala natin kay Juan ay hindi naglalayon ng pagkilatis, pakikiulayaw at pakikipag-ugnayan sa kanya. Ipinagdiriwang natin si Juan, hindi sa ganang kanyang sarili, kundi dahil sa kanyang pinaglingkuran nang mainam – ang kanyang pinsan at Panginoon, si Hesus.



Ang kaganapan ng buhay ni Juan ay hindi matatagpuan sa kanyang gampaning paghahanda para sa pagdating ng Mesiyas, o sa kanyang gampaning pagsaksi sa Kordero ng Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan. Ang miracle baby na ito ay ni hindi man lang gumawa ng himala. Sa halip, ipinaubaya niya at inialay ang lahat sa may-akda ng lahat ng himala, ang Panginoong Hesukristo.



Hindi uminog ang buhay ni Juan sa kanyang sarili lamang. Nakita niya ang sarili bilang may pananagutan sa iba, na higit pa sa kanya, at kung saan dapat niyang isuko lahat. Naging tulad siya ng isang magulang na nagsisikap para sa kinabukasan ng anak; ng isang trainor na tumutulong sa iba na magkamit ng medalya; ng isang lingkod na nagsasaayos ng mga bagay para mas madaling kumilos ang kanyang amo. Ang himala ni Juan, ang kanyang kabayanihan, ay nasa kanyang kababaang-loob at kagustuhang maglingkod at umalalay para sa iba, kahit walang pagkilala, kapalit o palakpakan.



Habang naghahangad tayo ng kadakilaan at kaganapan ng ating mga pangarap, hindi ba’t naririnig din natin ang tawag ng Diyos na kumilos para sa iba, tumuwang sa halip na manguna, magbigay kahit walang aasahang babalik, magsakripisyo ng sarili para umunlad ang kapwa? Dito nagaganap ang himala - ng paglilingkod, ng pagpapaubaya, pakikiisa, pagtataguyod, hindi ng sariling kapakanan, kundi ng makabubuti sa iba. Maraming mga Juan Bautista ngayon sa ating mga tahanan, paaralan, opisina, ospital, kumbento, parokya at kapitbahayan.



Tulad ng miracle child na si Juan, naisin din nawa nating maging miracle para sa kapwa tao natin!


-->

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS