IKA-11 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B
TIWALA PA MORE!
Nais ng boss ng isang opisina na
laging nakabukas ang pinto ng kanyang office para masilip niya ang ginagawa ng
mga tauhan, marinig ang kanilang pag-uusap, at makialam sa kanilang ginagawa. Nang
lumaon, nag-ingat ang mga tauhan sa kanya at tuluyang nawalan ng tiwala dahil
sa kanyang ugaling mapamigil at mapag-kontrol.
Ang pagiging mapamigil o
mapag-kontrol ay laging malaking tukso sa buhay. Dahil nais nating maramdamang
nasa kamay natin ang lahat, nagpapakita tayo ng ugali na susunod ang iba sa
atin, gagawin nila kung ano ang pasya nating tama, o kikilos sila sa direksyong
itinututo natin. Habang panatag tayo dahil kontrolado natin ang situwasyon,
nawawala din naman ang ating panloob na kapayapaan, kumpiyansa sa kapwa, at
pananalig sa surpresang darating. Ang mga mapag-kontrol o mga manipulador ay
laging hindi panatag at lalong hindi sila nakalilikha ng kagalakan at
pagkukusang-loob sa kanilang kapwa.
Inilalarawan ng Panginoong Hesus sa
mabuting balita ang pagyabong ng Kaharian ng Diyos. Ipinapakita din niya ang ugaling
magdadala sa ating upang makasumpong sa presensya at impluwensya ng Ama sa
ating buhay. Para kay Hesus, upang maranasan ang Kaharian, dapat matuto tayo ng
tiwala sa Diyos at sa kapwa.
Masdan natin ang magsasaka pagkatapos
maghasik ng binhi. Natutulog siyang mahimbing. Gumigising namang puno ng
pag-asa. Nagawa na niya kasi ang dapat niyang gawin. Panahon na upang ang kalikasan
naman ang siyang magpausbong ng binhi at magpayabong ng ani. Masdan din ang puno
ng mustasa. Kapag pinabayaang mag-isa, ang binhi ay nagiging puno na may
malalaking sanga para sa mga ibon at ibang mga hayop.
Marami tiyak ang aatakehin sa
puso kapag nawala ang pera o ari-arian. Hirap naman ang iba na isuko ang titulo,
dangal at kasikatan. Meron namang takot ibahagi ang kapangyarihan at awtoridad
sa iba. Gagawin nila lahat para maging segurado ang kanilang ngayon at
kinabukasan. Kung kailangan din, hindi sila magdadalawang-isip na makialam na
parang Diyos sa buhay ng kapwa.
Paanyaya sa atin ng Panginoon na maging
mapagtiwalang lubos, hindi mapamigil o mapag-kontrol. Malalasap lang natin ang Kaharian
ng Diyos kung handa tayong ibigay ang ating kamay at akayin sa magandang plano
niya sa ating buhay. Sa pagtitiwala, mababawasan kundi man mawawalang lubos ang
hilig nating maging mapag-kontrol ng ating situwasyon at pati na ng buhay ng
kapwa. Sa pagtitiwala, mas magigi tayong payapa at masayahin sa ating mga
ugnayan.
Sobrang umaasa ka ba sa iyong
lakas at kapangyarihan? Nagugulo ka ba kapag
hindi umaayon at sumusunod sa iyo lahat ng tao sa paligid mo?
Kalagan nang konti ang sarili at
magpaubaya sa kamay ng tunay na nakakaalam ng lalong mabuti para sa lahat.
Ganito kapag natagpuan ng isang tao ang Kaharian ng Diyos.