IKA-10 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B



KARANIWANG SANGKAP NG BUHAY





Tapos na naman ang isang ikot ng mga pista at pagdiriwang. Mula sa galak ng Pagkabuhay hanggang sa mga misteryong nakapaloob sa mga doktrina natin, nahikayat tayong magnilay sa pinakapuso ng ating pananampalatayang Kristiyano. Muling nai-ugnay tayo sa ating mga paninindigan, paniniwala, at mga pagkilos na nagsasaad kung sino tayo sa liwanag ng pag-ibig ni Kristo.



Ngayon, nagbabalik normal na naman tayo. Pagpasok sa karaniwang panahon, hahanapin nating muli ang Panginoon sa mga ritmo ng pangaraw-araw na buhay, sa nakagawiang mga gampanin, at sa mga paulit-ulit at dati nang mga bagay na nakapalibot sa atin.



Dinadala tayo ng mabuting balita sa mga karaniwang karanasan ni Hesus. Umuwi siya sa kanyang tahanan kasama ang mga alagad. Ang mga nakarinig ng kanyang tagumpay at katanyagan ay nagkagulong makita siya kaya nawalan siya ng panahong magpahinga at kumain man lang. Subalit ang kasikatan ng Panginoong Hesus ay hindi ang tanging sangkap ng kanyang pangaraw-araw na buhay. Ang paghanga ng madla ay may katapat namang pagtuligsa ng iba, maging ng kanyang mga kamag-anak at kapamilya.



Mahirap unawaing pati mga kaanak ng Panginoon ay nag-isip na nawawala siya sa sariling katinuan. Mas madaling tanggapin kung paano siya batikusin ng mga eskriba at ituring na kampon ng kasamaan. Sa karaniwang buhay, naranasan ni Hesus ang tensyon ng paghanga sa isang banda, at pagkamuhi sa kabila naman, na dulot ng kanyang presensya at pakikitungo sa mga tao sa paligid niya. Kung anghel siya para sa iba, demonyo naman siya sa iba pa.



Ipinaliwanag ng Panginoong Hesus na ang kanyang kapangyarihan ay may isa lamang pakay – ang lupigin ang demonyo at ang mga gawa nito sa mundo, at dahil dito, palayain ang mga tao para sa Diyos at sa pag-ibig. Ang kapangyarihan ni Hesus ay mula sa Espiritu Santo, na siyang tinatanggihan ng mga taong lumalaban sa kanya. 

Bagamat nabagabag ng kanyang mga kaaway, hindi naman natinag si Hesus sa pagtupad ng kanyang misyon sa piling ng mga tunay na nagmamahal sa kanya, ang kanyang tunay na ina, mga kapatid, at bagong pamilya. Tulad niya, sila din ay nagnanais na “tuparin ang kalooban ng Diyos.”



Kumusta naman ang iyong karaniwang buhay at ordinaryong mga karanasan ngayon? Kung tulad ka ng halos lahat sa mundo, tiyak may taas-baba, positibo-negatibo, kunswelo-kunsumisyon, pagpapala-paghamon sa iyong pakikitungo sa mga tao sa tahanan, paaralan, trabaho, at kapitbahayan. 

Huwag pabayaang malihis ng landas ang iyong layunin sa buhay dahil lang sa mga taong nais kang sirain at guluhin. Sa halip, ibaling ang titig kay Hesus at hingin ang kapangyarihan na maging tulad niya, puno ng kapayapaan at katiyakan ng Espiritu Santo. Walang anumang kaaway dito sa lupa o katunggali mula sa ilalim ng lupa ang makakawasak ng iyong landas. 

Kay Hesus lahat ng pang-araw-araw na pagsubok ay nagiging hagdan tungo sa kagalakan, kapayapaan, at kaganapan.


Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS