IKA-ANIM NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON A
Isa sa mga hirap tayong gawin
bilang Pinoy ay sumunod sa mga utos o batas. Halimbawa:
-
Mga drayber na away magbigayan sa kalsada
-
Mga tinderong sinasakop ang mga daang tao
-
Mga bakwit ng Taal volcano na nagpupumilit
bumalik sa danger zone
-
Mga basurang iniiwan pagkatapos ng prusisyon ng
Nazareno sa Quiapo
Kapag may batas, may utos, may
direktiba – tiyak aalma na tayo diyan agad!
Maaaring sumusunod din naman pero
dahil takot kay Duterte o kay Yorme, o dahil nakikisama, o kaya nakaugalian na;
pero sa puso, galit at ngitngit naman. Kung pwede lang huwag sumunod, gagawin
na.
Pero eto, dalhin mo ang Pinoy sa
ibang bansa at biglang nagbabago. Halimbawa:
-
Sa Saudi, matitinong susunod sa batas ng mga
Muslim
-
Sa Amerika, maingat at maayos mag-drive
-
Sa Italy, Pulido ang trabaho, the best!
- Ang mga seamen natin, sanay makisama kahit
kaninong lahi
Sa kaisipang Kristiyano, lalo na
sa mga Katoliko at Protestante, pag batas o utos ay laging nakikita bilang
pabigat, killjoy, sagabal sa kalayaan, sa pagkukusa, sa kapakanan at sa
ginhawa.
Habang lumalaki tayo sa ating
pananampalataya, ang dami kasing “dapat ganito” o “huwag dapat ganun” na ating
minamana at kung may pagkakataon, bigla nating isinasantabi mula sa ating
buhay.
Pero paano kung uunawain natin ang
mga batas o utos ng Diyos at ng pamayanan ng pananampalataya tulad ng paliwanag
sa unang pagbasa ngayon (Sir 15: 15-20)?
- Sabi dito ang mga kautusan ng Diyos ay para sa
kaligtasan, hindi pang-aalipin
- Ang pagsunod sa mga ito ay landas sa buhay,
kabutihan, galak, kapayapaan
- Naroon ang Panginoon sa piling ng mga
nagpaparangal sa kanyang mga utos
Ganito marahil ang nagaganap sa
mga Pinoy na naga-abroad. Nare-realize nilang ang mga tao doon ay magalang sa
batas o kautusan dahil batid nilang ito ay para sa kanilang kabutihan, at ang pagsunod
dito ay nagbubunga din ng mabuti sa kapwa at sa buong lipunan.
Minsan sa Amerika, napansin kong
biglang gumilid ang kotseng minamaneho ng aking kaibigan nang marinig niya ang sirena
ng ambulansya.
Tinanong ko siya kung bakit ang bilis
ng kanyang kilos at sabi niya: Kasi ang turo dito sa amin ay baka kapamilya mo ang
laman ng ambulansya. Di mo alam, di ba, na siya pala ang inililigtas sa
panahong iyon.
E tingnan natin kung paano
ginigitgit pa sa atin ang daanan ng ambulansya o nakikipag-karera pa tayo sa
ambulansya para makadaan sa espasyong ibinigay dito!
Halimbawa pa ang pagputok ng Taal
volcano kung saan nagtago ng mga supplies ng face masks ang mga tindahan at tinaasan
pa ang presyo para lalong kumita.
Naghihirap na ang mga tao pero ang
unang iniisip ng iba ay kita kaysa awa sa kapwa!
Sa Japan, noong may trahedya,
ibinaba pa ng mga tindahan ang presyo ng mga kailangang gamit para makatulong
sa mga na-apektuhan at bilang tanda ng pakikiramay sa naghihirap. Tila mas
kamukha ni Kristo sila kahit hindi sila Kristiyano!
Ang pagbasa ni Sirac ay tawag sa
atin na ituring ang mga utos ng Diyos hindi bilang panlabas na iniatang sa atin
kundi mismong galing sa ating puso, bumubulwak sa ating kaibuturan, at may
halaga sa ating relasyon sa Diyos at sa kapwa.
Ganito ang tingin ng mga Orthodox
Christians sa batas ng simbahan nila – bahagi ng kanilang espirituwalidad,
pagpapahayag ng kanilang pagmamahal sa Diyos.
Lahat tayo ay nakikipagbuno sa
katigasan ng puso, sa pagkiling sa kasalanan, at sa hirap ng pagtupad ng mga
utos ng Diyos. Dahil dito bumabagsak tayo at nagkakasala at nasisira ang ugnayan
natin sa Panginoon at sa kapwa tao.
Paano kaya kung magsimula tayong
tumugon at tumalima sa mga utos ng Diyos bilang alay sa Amang nagliligtas sa
atin? Bilang handog ng pasasalamat kay Hesus na namatay para sa atin? Bilang pakikibahagi
sa liwanag at pagmamahal ng Espiritu Santo na nasa ating puso?
(paki-share naman po sa kaibigan... God bless!)