IKA-LIMANG LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A



BIGLANG HIRAP





Minsan kasama ko ang isang barkada ko na dumalaw sa isang maysakit. Ang kapatid ng maysakit ay nagsimulang magkuwento tungkol sa kanilang mga problema sa bahay.



Nasa drug rehab daw ang kanyang pinsan. Matumal daw ang takbo ng negosyo nila. At ano ba yan, nagbabago na daw ang ugali ng mga anak niyang nasa exclusive schools.



Nang paalis na kami, sabi ng kaibigan ko: “Nakakagulat naman ang problema nung tao na iyon. Hindi ordinaryong problema. Pang-mayaman lang!”



Ngayon, inihaharap sa atin ng Diyos ang mga problema ng mga mahihirap… mas matindi, mas mapait, mas marahas, kasi wala silang kalaban-laban sa mga ito.



Habang hinahayaan nating manuot ang unang pagbasa (Is 58) sa ating puso, naririnig natin ang sitwasyon ng mga dukha at ang hamon sa bayan ng Diyos na tumugon dito.



Ang mga mahihirap walang makain. Wala ding bahay. Walang naitago o nailikas maliban sa mga damit na suot-suot nila.



At ang kahirapan biglang sumusulpot na hindi inaasahan.



Isipin na lang natin ang mga kapatid natin malapit sa Taal volcano nitong January 2020.

-               Ang iba ay mangingisdang masayang may huli araw-araw

-               Ang marami ay magsasakang umaani ng matatamis na pinya, saging at iba pa

-               Karamihan ay mga taga-baryo na masaya at payapa sa simpleng buhay nila


Nang umulan ng abo, putik at buhangin mula sa usok ng bulkan

-               Natagpuan nilang lulutang-lutang nga mga isdang namatay sa lawa

-               Nadatnan nilang wala nang aanihin pa sa bukid nila

-               Habang tumatakbo, nilingon nila ang mga bahay na wasak ang bubong, biyak ang dingdin, at balot ng kulay abo sa paligid

-               Ang mga mailap man o alagang hayop ay namatay sa gutom at sa hanging nakakalason

Mula sa matitipunong manggagawa, naging palaboy at dukha silang naghahanap ng kaligtasan at masisilungan.



Isang reporter na Pinay para sa foreign news ang nagreport ng sitwasyon at iginiit siya sa huli na ang Pilipinas ay babangon muli kasi tayo ay “Katolikong bansa na may pananampalataya at katatagan.”



Tama naman, kasi dahil sa pananampalataya at pagmamahalan, dumaloy ang mga pera, bigas, de-lata, kumot at tubig para sa mga evacuees.



Nagbukas ng pintuan ang mga simbahan, paaralan at gym para sa walang tahanan.



Magbibigay ito ng ginhawa (o relief – relief goods, relief operations) sa ngayon. Pero ang ginhawang ito ay panandalian lamang. Kailangang sundan ito ng pagbabalik sa normal at maayos na buhay.



Tila naisip na ito ni Propeta Isaias. Madaling magbigay ng pagkain, bubong at damit – na panandalian.



Pero mas mahalaga talaga, kung kalamidad man o wala, ay tanggalin ang “ang pang-aapi,

maling pagbibintang at pagsisinungaling.”



Ito ang magbibigay ng tunay na liwanag at wagas na kaligayahan sa mga naghihirap na anak ng Diyos.



E hindi ba noong sumasabog ang bulkan

-               Tinaasan ng mga businessman ang presyo ng bilihin lalo na ang mga maskara laban sa abo

-               Nakipag-debate ang marami tungkol sa relihyon sa internet kaysa magbigay ng inspirasyon sa mga naghihirap

-               May nagyabang na mga pulitiko na “kakainin ang abo at iihian ang bunganga ng Taal”

-               May mga nag-scam gamit ang pangalan ng mga obispo at mga opisina ng simbahan para makuha ang mga donasyon ng mga tao para sa kanilang sarili

Paano nagpapatunay ito na tayo ay “Katolikong bansa na may pananampalataya at katatagan?”



Sa Mabuting Balita, may pangarap ang Panginoong Hesus para sa kanyang mga tagasunod: maging asin at ilaw ng mundo! Matindi iyon ha!



Para sa Panginoon, posibleng mangyari ito kung bubuksan ang puso at magiging handa na magmahal ng kapwa tulad ng ginawa niya.



Manalangin tayong matutong magmahal sa mga dukha.



Magdasal din tayo higit pa, na makabahagi sa pagbabago ng ugali at pananaw na magbibigay ng biyaya at magpapakalat ng kabanguhan ng Panginoon sa mundo natin ngayon.

(pls share to a friend...)





Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS