UNANG LINGGO NG KUWARESMA A



LABANAN ANG DEMONYO…





Ang unang pagbasa natin ay paalala ng magandang plano ng Diyos para sa kaniyang mga nilalang, para sa sangkatauhan, doon sa halamanan ng Eden.



Nasira ang plano dahil sa pagsuway, dahil sa unang kasalanan, at ang babae at lalaki ay napalayo sa Diyos at maging sa isa’t-isa.



May nakakatuwang biro tungkol sa salaysay na ito. Sabi dito tinanong ng Diyos si Adan kung bakit kumain ng bawal na prutas sa ipinagbabawal na puno.



Dahil nais ipagtanggol ang sarili, itinuro ni Adan si Eba na pumilit daw sa kanyang kumain nito. Si Eba naman, nang tanungin din siya, itinuro ang ahas na siyang nagsimula ng tukso at maling mga pangako.



Gusto rin ng ahas na ipagtanggol ang sarili, pero wala pala itong daliri para ituro ang iba pang hayop sa hardin. Kaya nagsimulang makilala siya mula noon bilang kapural sa kasamaan at kasalanan.



Maaaring kakatwa ang kwentong ito, at maaari pang mapaniwala tayo na ang demonyo (na sinasagisag ng ahas) ay walang kalaban-laban na nadawit lamang sa away ng mag-asawang Adan at Eba.



Sa totoo lang, maraming mga tao ngayon ang naniniwalang ang demonyo ay simbolo lang ng kasamaang nagaganap sa mundo. Marami din ang nag-iisip na walang tunay na demonyo dahil kathang isip lang ito. 

Ang mga kabataan naman ay kilala lang ang demonyo dahil sa horror movies at tv program kung saan minsan pinalalabas pa itong palakaibigan, mabuti, o cute.



Ngayong Kuwaresma, mabuting maunawaan na ang paanyaya ng Panginoon ay lalong lumilinaw. Nilikha tayo ng Diyos para sa kanyang sarili, para makaugnay niya bilang mga anak. Ang Panginoong Hesus ay naparito mula sa langit upang ibalik ang nawala nating karangalan at akayin tayo muli sa bisig ng Ama.



Pero hindi madaling maalala itong paanyaya ng Panginoon at ang tawag niya araw-araw na tayo’y maging banal. Sa mundo kasi, ang daming ibang paanyaya tungo sa pagsuway, pagtalikod, paghihimagsik at kasalanan laban sa Diyos at sa kapwa-tao.



Ang Pagbagsak ng tao sa kasalanan ay tunay. Ang kasalanan ay totoo. Ang demonyo ay tunay, at nais niyang hilahin tayo palayo sa magandang pangarap at plano ng Diyos para sa atin mula pa sa simula ng sangnilikha.



Sa dokumentong “Rejoice and Be Glad,” ni Pope Francis, sinabi niyang ang landas ng kabanalan ay may kalakip na totoong pakikipagbuno sa demonyo, sa prinsipe ng kasamaan. Sabi niya, ang demonyo ay hindi imbento lang ng isip kundi tunay na nilalang na laging naghihintay upang siluin ang tao patungo sa kasalanan at pagkakamali.



Nagaganap ito sa maraming paraan, tulad ng mga kontrobersyal na paglalarawan sa horror movies na pagsapi at panggugulo ng demonyo, na bihirang mangyari sa totoong buhay. 

Ang madalas maganap ay ang araw-araw na paglason niya sa mga tao sa pamamagitan ng pagka-poot, pagka-lugmok, inggit, at bisyo.



Pero tandaan natin, ang demonyo ay natalo na ng makapangyarihan at matagumpay na Kristong Panginoon natin. Mula pa sa sinapupunan ng Birheng Maria, “dinurog na niya ang ulo ng ahas.” Ang Mahal na Birhen at mga santo, at sinumang Kristiyano na nagsisikap mabuhay para kay Hesus ay nagtatagumpay na sa demonyo  at sa kanyang mga panlilinlang.



Paano ba mababawi ang paanyaya ng Panginoon na mabuhay sa kapayapaan at kaugnayan sa kanya? Paano ba sasalagin ang mga tukso at kasalanan sa ating buhay? Paano ba makababalik muli sa mapagmahal at maawaing yakap ng Espiritu Santo?



Magsikap tayong gumawa ng mabuti at tama sa lahat ng oras. Lumago tayo sa buhay pananampalataya at panalangin. Magsikap na mahalin pa ang Diyos at ang ating kapwa.



Bawat isa ay may Krus sa buhay. Takot ang demonyo sa Krus. Kaya kung papasanin natin ang krus natin na may pananampalataya at tiwala sa Panginoon, magtatagumpay tayo laban sa demonyo, sa kasalanan, sa kamatayan, at sa pagkabulok.



Si Hesus ang ating huwaran sa paglaban sa kasamaan at sa pagbabalik ng puso sa Diyos lamang. Palagi nating hingin ang kanyang tulong na mapagtagumpayan ang bawat pakikibaka sa nararanasan natin sa ating buhay sa mundong ito.



Mabiyayang Kuwaresma po sa inyong lahat!

Sikaping magdasal ng mga Istasyon ng Krus; mag-ayuno; magsakripisyo; magmahal sa mahihirap.



(paki-share sa isang kaibigan…)

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS