ANG IMAHEN NG FATIMA SA PORTUGAL - KILALANIN
Ang nililok na imahen ng Mahal na Birhen ng Rosario ng
Fatima na nasa Kapilya ng Aparisyon ngayon sa Fatima, Portugal ay ipinagawa ng
isang deboto na si Gilberto Fernandes dos Santos sa tanyag na kompanya Casa Fânzeres
ng Braga. Ito ay upang mapagbigyan ang hiling ng mga debotong dumadayo na
magkaroon, hindi lamang ng kapilya, kundi ng imahen o estatuwa na maaaring
maging tagapagpaalala ng “Birheng nababalot ng liwanag” na nagpakita sa tatlong
batang pastol noong 1917.
Ang eskultor nito ay si Jose Ferreira Thedim na humugot ng
inspirasyon sa imahen ng Mahal na Birhen ng Lapa (sa Ponte de Lima).
Ang Mahal na Birhen ng Lapa, modelo ng imahen ng Fatima
Ang imahen
ay nililok ayon diumano sa salaysay ng mga batang nakakakita, na inihayag naman
sa eskultor ni Canon Manuel Formigao. Kaya ang imaheng ito ay hindi nagawa nang
may direktang paggabay ng tatlong bata. Maagang namatay sina Francisco at
Jacinta. Si Lucia naman ay ipinadala sa isang boarding school sa Spain upang
mailayo sa nagkakagulong mga tao na nais siyang makita at makapanayam.
Agad naging bantog sa buong daigdig ang imahen na ito at ito
ang nakilala bilang opisyal na wangis ng Mahal na Birhen ng Fatima.
Ang estatuwa ay may 1.04 metro ang taas at gawa sa kahoy na
cedar mula sa Brazil. Ginamitan ito ng polychrome at mga gintong disenyo.
Binasbasan ito noong Mayo 13, 1920 ng kura parokong si Fr Manuel
Marques Ferreira, sa parokya at matapos ay dinala sa Kapilya ng Aparisyon noong
Hunyo 13.
Gabi-gabi itinatago ito sa loob ng tagapangalagang si Maria
Carreira na nakilala bilang si Maria ng Kapilya, kaya nang pasabugin ang kapilya
noong May 6, 1922, nakaligtas ang imahen sa pagkawasak.
Ang korona ng estatuwa, na isinusuot lamang sa mahahalagang
araw ng paglalakbay, ay alay ng mga kababaihan ng Portugal noong Oktubre 13,
1942. Gawa ito sa ginto, may 1.2 kilo, at tadtad ng 313 perlas at 2,679 na
mahahalagang mga bato.
Ginawa ang korona ng mag-aalahas na Joalharia Leitao &
Irmao ng Lisbon at 12 artists ang naglaan ng oras sa loob ng 3 buwan.
Ang pinakamahalagang sangkap ng korona ay nadagdag noong
1989 nang idagdag dito noong Abril 26 ang bala na tumagos sa katawan ni St. Pope
John Paul II sa tangkang pagpatay sa kanya noong Mayo 13, 1981 sa Roma. Naniwala
ang Santo Papa na ang mga kamay ng Mahal na Birhen ang siyang gumabay sa bala
upang siya ay makaligtas sa tiyak na kamatayan.
Inialay ng Santo Papa ang balang ito sa mismong Shrine ng
Fatima noong Marso 26, 1984.
Ang imahen ng Fatima ay ginawaran ng solemneng koronasyon ni
Cardinal Aloisi Masella noong Mayo 13, 1946. Naisaayos din ito ng eskultor
noong 1951 at maraming beses na pagkatapos noon.
Mula 1982, ito ay makikitang nakatuntong sa isang simpleng
altar sa labas ng Kapilya na siyang eksaktong lugar ng pagpapakita ng Birhen sa
ibabaw ng isang puno ng “holmoak.” Ang orihinal na puno ay naubos dahil sa
pagkuha at pagpitas ng mga deboto.
Nababalot ng bulletproof na salamin ang imahen. Dati ay
itinatago ito sa loob ng Kapilya bago maghating-gabi pero hindi na ito ginagawa
ngayon dahil may 24 oras na cctv na nakatutok sa imahen mula noong 2009.
Mayroon na ding walang tigil na broadcast ng Kapilyang ito “live” sa youtube
(subukan ninyong dalawin minsan - https://www.youtube.com/watch?v=EklRhB0JhyY ).
Ang estatuwa ng Birhen ay palagian nang makikita hindi
lamang sa Cova da Iria sa Fatima kundi sa buong mundo sa tulong ng online
broadcasting.
Mula noong 1920, 12 beses lamang inilabas nang malayo sa
Shrine ang imaheng ito at ang huli ay noong 2013 sa kahilingan ni Pope Francis.
May mga replica o kahawig ang imaheng ito na siyang
tumatayong Pilgrim Image para sa iba’t-ibang bahagi ng mundo ngayon.
Subalit may isa pang imahen ng Fatima na bagamat hindi
kasing sikat ay ang siyang estatuwa na nililok sa paggabay ni Sister Lucia at
ayon sa kanya ay ang eksaktong paglalarawan ng Mahal na Birhen na nakita nila
sa Cova da Iria. Abangan sa susunod na mga blog.
-->