ANG "TUNAY" NA IMAHEN NG FATIMA



si Fr Thomas at ang unang modelo niya ng Fatima statue



Ang paring Dominicano at eskultor na si Fr. Thomas McGlynn ay nagpasyang tanggapin ang hamon na lumilok ng imahen ng Mahal na Puso, ng Mahal na Birhen at ni San Jose noong 1946. Una niyang nagawa ang estatuwa ng Mahal na Birhen. Sinikap niyang gawin ang imahen ng Birhen ng Fatima.



Ninais niyang tiyakin kung ang kanyang interpretasyon ng Birhen ng Fatima ay akma sa nakita mismo ni Sister Lucia, isa sa mga batang pastol ng Fatima, na noon ay isang madre na at kaisa-isang natitira sa mga bata matapos yumao sina Francisco at Jacinta.



Pagkakuha ng nararapat na mga permiso upang makipagkita sa Cardinal ng Lisbon, sa Obispo ng Leiria-Fatima, at kay Sister Lucia (na noon ay madre ng Sisters of St. Dorothy at kilala sa bagong pangalan na Irma (Sister) Dores), nagpunta sa Portugal si Fr. Thomas.



Nabigyan siya ng pahintulot na makilala at makapanayam si Sister Lucia tungkol sa aparisyon. Ipinakita din niya dito ang kanyang nililok na imahen. Pero nagulat siya nang sabihin nito na hindi tama ang kanyang pagkalilok.



Sabi ni Sister Lucia: “Hindi tama ang ayos. Nakataas dapat ang kanang kamay, at ang kaliwa, nakababa. Masyadong makinis ang kasuutan ng estatuwa mo. Ang ilaw ay tila alon at nagbibigay ng hugis ng damit na may mga tiklop. Nababalot siya ng liwanag at nasa gitna siya ng liwanag. Ang kanyang paa ay nakatungtong sa puno (azinheira). Maliliit ang dahon nito dahil bata pa ang puno. Hindi pababa ang mga dahon.”

 Ang modelo matapos ang mga pagtutuwid ni Sister Lucia



Nabigla ang pari dahil akala niya sa ulap nakatungtong ang Birhen tulad ng nauna nang mga imahen nito. Sinabi pa ng madre: “Laging may bituin sa kanyang saya. Mayroon siyang kuwintas na may maliit na bola ng liwanag” at nagpahiwatig ito ng tila kuwintas mula sa leeg pabagsak tungo sa may baywang.



Dalawa lamang daw ang lantad na kasuutan, isang simpleng mahabang damit na saya at isang mahabang belo o balabal. Ang damit ay walang kolar at walang dulo ng manggas. Wala ding tali sa baywang, bagamat ang damit ay tila makipot sa baywang. Hindi maluwag ang manggas, at ang balabal at damit ay mga alon ng liwanag.



Dalawa ang alon ng liwanag, isa sa ibabaw ng isa pa, kaya madaling makita ang kaibahan ng damit at balabal.



Tila may sikat ng araw palibot sa balabal, at ang sikat na ito ay parang manipis na sinulid.



Ang balabal ay patuwid, hindi pakurba. Gawa ito sa liwanag at tila napakagaan, at bagsak ito pababa. Ang damit ay purong puti. Ang kuwintas ay matingkad na liwanag na kulay dilaw. Ang liwanag sa Birhen ay puti at sa bituin ay dilaw.



Wala daw nakita si Sister Lucia na buhok mula sa ulo ng Birhen. Hindi niya rin napansin kung may sandalyas sa paa dahil hindi nila tinitingnan ang kanyang paa.



Ano ang kulay ng mukha at mga kamay ng Birhen ng Fatima? Ito daw, ayon kay Sis Lucia ay tila maliwanag ang balat, tila liwanag na nag-angking kulay balat ng tao.



Ang emosyon ng Birhen ay kaaya-aya bagamat malungkot. Taglay ang katamisan pero malungkot. Ang ginawa daw ni Fr. Thomas na estatuwa ay tila matanda ang mukha ng Birhen.



Nagpakita lamang daw ang Birhen bilang “Immaculate Heart” noong Hunyo lamang, at ang puso nito ay nasa labas ng katawan at napapalibutan ng mga tinik.



Gumawa ng bagong imahen si Fr. Thomas ayon sa mga bagong tuklas na impormasyon mula kay Sister Lucia. 

 Ang malaking imahen para sa basilica matapos malilok ni Fr Thomas



Ang naging bunga nito ay isang imahen na halos eksaktong paglalahad ng nakitang aparisyon ng mga bata sa Fatima. Ito ay mula sa kamay ng pari pero mula sa paglalarawan ng madre.



Si Fr. Thomas ang gumawa ng napakalaking imahen ng Birhen ng Fatima (batay sa maliit na modelong nalikha sa tulong ni Sister Lucia) na nakatanaw ngayon sa itaas ng harapan ng basilica, sa ibabaw ng mismong gitnang pintuan nito.

 bago iluklok sa harapan ng basilica



Hindi kasing sikat ng naunang imahen na mas kilala natin pero ito ang siyang mas naaayon sa karanasan ng mga batang pastol noon.



 ang imahen matatanaw sa gitna ng facade ng basilica



Read further:



Thomas McGlynn, O.P.,”Autobiography” unedited transcript(Providence: Providence College Archives,1977) p.133.



Thomas McGlynn, O.P., Vision of Fatima, (Boston: Little, Brown and Co.,1948), p.60.


-->

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS