KAPISTAHAN NG PENTEKOSTES B
ANG TAHIMIK NA KALOOB
Kung naaalala ninyo pa, noong Biyernes Santo ipinagdiwang natin ang katotohanan na sobrang mahal ng Diyos ang daigdig kaya ibinigay niya sa atin ang kanyang anak. Ngayon, ipinagdiriwang natin ang katotohanan na sobrang mahal tayo ng Ama kaya ipinapadala niya ang Espiritu Santo sa ating buhay. Kung tutuusin, sa krus pa lang, ibinigay na ni Hesus ang Espiritu, na siyang sinasagisag ng dumaloy na tubig at dugo mula sa kanyang mga sugat sa tagiliran. Kaya ganyan pala magmahal ang Diyos – kumpleto; katawan at espiritu magkasama!
Ang Espiritu Santo ay ang pinakadakilang kaloob ng Ama at ni Hesus sa atin at sa buong mundo. Tuwing tatanggap tayo ng regalo, masaya di ba? Nagbubunyi tayo, pinahahalagahan natin at kinalulugdan natin ang isang regalo.
Gaano ito katotoo sa Espiritu Santo? Alam ba nating ganito katindi ang regalong ito sa atin? Tinuruan tayo na ibinigay na siya sa atin sa Binyag at Kumpil. Kaya sa totoo lang e, kasama natin siya araw-araw. Pero bilang mga Katoliko, aminin natin, mahina tayo sa pagkilala sa presensya ng Espiritu sa ating buhay maging sa panalangin o sa mga kilos natin.
Oo nagdarasal tayo kay Hesus; lagi tayong lumalapit sa kanya pero bihira tayong makipag-ulayaw sa Espiritu Santo o damahin ang kanyang presensya pag tayo’y nagdarasal. Subalit hindi ito dahilan para mabahala. Ganyan ang pamamaraan ng Espiritu Santo. Inaakay niya tayo sa Ama, inaakay niya tayo kay Hesus, pero halos hindi siya nagpaparamdam ng sarili niya. Kapag malapit tayo sa Ama, maligaya ang Espiritu Santo. Kapag kapiling natin si Hesus, nalulugod ang Espiritu Santo. Bakit? Kasi siya ang may kagagawan ng lahat ng ito; siya ang tulay ng ating ugnayan sa Ama at sa Panginoong Hesus.
Sa pistang ito, ipinaaalala sa atin, na kailangan din nating mapansin, kilalanin at makipag-ugnayan sa Espiritu Santo. Mahalagang mulat tayo na may Dakilang Kaloob pala na taglay natin sa ating puso. Magdasal sa Espiritu Santo na maging laging kasama at kaakibat sa lahat ng ating iniisip, sinasabi o ginagawa. Lalong mahalaga, anyayahan siya na maging gabay natin sa paglapit sa Ama at sa Anak, at sa mga taong nakakasalamuha natin bawat araw. Halina, O Espiritu Santo!
Comments