IKA-24 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A
KUMIKITA SA GALIT
May mga taong namumuhay sa galit; gusto nila ito; enjoy sila dito.
Ang ibig kong sabihin may mga taong kapit sa galit kasi akala nila magmumukha silang makapangyarihan.
Kung galit ka, takot sila sa iyo! Iilagan ka nila. Magtaas ka ng boses, magdabog ka, ambaan mo sila ng suntok o mura! Manginginig ang mga iyan.
Kung galit ka, makukuha mo ang gusto mo. Dahil takot sila sa iyo, gagawin nila lahat para humupa ang galit mo. Pinagalit mo ako, bigyan mo ako ng pera! Galit ako sa iyo kaya gawin mo ito o iyon para mawala ang galit ko!
Kung galit ka, mukha kang matatag. Mangingilag sila sa iyo dahil hindi nila alam ang susunod mong gagawin. Sino ang gusto maipit sa landas ng iyong galit?
Kaya may mga taong laging galit. Gusto nila yung ang tingin sa kanila ay iba. Makapangyarihan, demanding at pangingilagan!
Pero ano talaga ang iniisip ng iba sa mga taong galit? Sa mga mahilig magkimkim ng poot? Sa mga ayaw magpatawad at makalimot?
Akala nila boss sila ng iba. Ang hindi nila alam, hindi sila kinatatakutan kundi kinasusuklaman ng kapwa nila. Ang galit ay sinusuklian ng galit. Ang paninindak ay nagbubunga ng pagkamuhi at pandidiri.
Akala nila makukuha nila ang gusto nila sa galit nila. Sa simula siguro pero sa huli, mapapansin na ng iba na ginagamit lang ang galit para mag-demand; isang gawain ng immature na tao. At hindi nagugustuhan ng lipunan ang isang taong immature kundi pinagtatawanan.
Akala nila matatag sila. Sa totoo lang po, super hina nila. Ang laging nakakapit sa galit ay tila taong nakakapit sa rehas ng kulungan. Kulong sa masamang karanasan. Kulong sa nakaraan. Kulong sa impluwensya ng mga taong nakasakit sa kanila; talunan ng mga kaaway nila.
Ang taong galit ay malungkot; takot magpaubaya; sugatan at duguan. Alam nila ito pero hindi aaminin. Kaawa-awa talaga sila!
Pakinggan po ang unang pagbasa, Sirac (27:30-28:7)
Ang poot at pagngingitngit ay dapat ding kamuhian;
ngunit sa makasalanan, iyan ay pangkaraniwan.
Ang mapaghiganti ay paghihigantihan din ng Panginoon,
pagkat natatandaan niya ang kasalanan ng bawat tao.
Patawarin mo ang kapwa sa kanyang pagkukulang,
at kapag ikaw ay dumalangin sa Diyos, patatawarin ka rin naman.
Ang nagtatanim ng galit laban sa kapwa,
kapag tumawag sa Panginoon, walang kakamting awa.
Kung hindi siya nahahabag sa kapwa,
paano niya ihihingi ng tawad ang kanyang mga kasalanan?
Kung siya na tao lamang, ay nagkikimkim ng galit,
sinong magpapatawad sa kanyang mga kasalanan?
Alalahanin mo ang iyong wakas at pawiin mo ang iyong galit.
Isipin mo ang kamatayan at maging tapat ka sa mga Kautusan.
Tandaan mo ang Kautusan at huwag kang magalit sa kapwa;
alalahanin mo ang kasunduan ng Kataas-taasang Diyos at matuto kang magpatawad.
tinuturuan tayo ng Panginoong Hesus na magpatawad sa ebanghelyo ngayon (Mt 18). Ito ang tanging landas sa kapayapaan, kagalakan, pang-unawa at paghilom.
Kailan ka magpapatawad, ha?
(paki-share…)
Comments