IKA-17 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON A


SABIK NA SABIK
Ang tatlong taon na si Eo ay nagsimula ng pumasok sa paalaran. Sa kanyang unang araw, siya ang pinakamasiglang mag-aaral sa klase. Sa tuwing may hihiramin, tatanungin at ipapagawa ang kanilang guro, siya ang pinakaaktibong tumutugon dito. Ngunit makalipas ang dalawang linggo, nawala na ang kasabikan sa kanya. Mahirap na siyang gisingin tuwing papasok sa eskwela at kadalasan siya ay nagdadahilan na upang hindi pa bumangon o hindi na pumasok.

Ganito ang nangyayari sa ating kasabikan. Mahirap itong panatilihin. Kapag tayo ay namumulat na sa realidad, unti-unti na itong nawawala. Ang isang estudyante ay sabik na sabik ng magtapos ng pag-aaral, hanggang sa mawala na ang kasabikan dito dahil sa mga kaibigan o barkadang nakasama. Ang isang tao na bagong trabaho ay punong-puno ng pag-asa hanggang mawala na ang kasabikan dahil sa mga nakakadismayang katrabaho. 

Ang isang negosyante ay gustong mapalaki ang kanyang bagong negosyo hanggang matanto niya na mabagal ang pag-asenso. Ang mga bagong kasal ay napakalambing sa isa’t isa hanggang magsimula na silang hindi magkaintindihan at magtalo. Kahit na ang mga naglilingkod sa simbahan ay sumusuko kapag ang “demand” ay dumadami na. Sa buhay natin, ay may suliranin tayo na tinatawag na “pagkawala ng kasabikan”.

Inuugnay tayo ni Hesus sa dalawang parabula ng pagkasabik- ang pagkatuklas sa nakabaon na kayamanan at ang paghanap sa natatanging perlas. Sa mga parabulang ito, ibinenta nila ang lahat ng mayroon sa kanila para mabili ang lupa at ang perlas. Sila ay nahumaling sa kayaman, at sa perlas. Mas ginusto nilang mawala ang lahat sa kanila para makuha ang pinakamahalaga sa kanila.Sila nga ay matalino, sila namuhunan ng malaki sa kanilang bagong tuklas. Hindi nila sinayang ang pagkakataon na minsan o isang beses lamang darating sa buhay nila at talaga ngang nahanap nila ang kayamanan nila.

Sa buhay natin, tayo ay binyayaan ng Diyos ng kayamanan. Kung tayo nga ay tapat, masasabi natin na ang lahat ng nasa atin, gaya ng ating pamilya at kaibigan, ay kayamanan. Sila ay perlas na may katumbas na malaking halaga. Marahil nga ay pinasasalamatan natin ang Diyos sa mga kayamanang ito, pero ang buhay hindi puro kasarapan at kasayahan lang, at nakikita natin ang mga kayamanan natin na pasanin sa ating buhay. Muli nating isipin o pagnilayan ang pag-uugali natin ukol sa mga biyaya ng Diyos.

Ang iyong relasyon ba sa ibang tao ay nagiging problema mo na? Ang iyo bang asawa ay nakaka-irita na? Nawawala ba ang iyong kagalakan dahil sa mga tao sa paligid mo? Maging ang iyong pag-aaral, trabaho at negosyo ba ay pabigat na rin? Talaga nga bang pinapahalagahan mo ang iyong pananampalataya?

Ngayon, tayo ay hinahamon ni Hesus na baguhin natin ang ating pag-uugali sa buhay. Maging sabik ulit tayo sa mga bagay na kinasabikan na natin dati. Huwag nating hayaan n a sirain ng ating mga problema ang ating sigla. Huwag nating hayaan na mawala ang pag-asa natin dahil sa ibang tao. Ang bawat pagsubok ay kaakibat na solusyon at ang kailangan lang natin ay magtiwala at manampalataya sa Diyos.

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS