DAKILANG KAPISTAHAN NG KATAWAN NI KRISTO, JUNE 22
ANG BANAL NA
KOMUNYON
Bahagi ng karanasan ng bawat Katolikong nagsisimba
ay ang pagtanggap ng Banal na Komunyon.
Kung ang pinakapuso ng pagsamba ng isang Protestante ay ang pakikinig sa
pangaral ng pastor, at ang isang born-again naman ay ang praise and worship,
tayong mga Katoliko ay naghihintay naman sa Komunyon. Ano ba ang kahulugan ng Komunyon? Bakit lumalapit tayo upang tanggapin ang ostiya, isang
simpleng puting tinapay na wala namang lasa? Ano ba talaga ito para sa atin?
Sa ating Mabuting Balita, sinasabi ng
Panginoon: Ako ang Tinapay na
nagmula sa langit. Ang
sinumang kumain ng tinapay na ito ay magkakaroon ng buhay na walang
hanggan. Sa ating pananampalataya,
sa panahon ng Consecration, ang Espiritu Santo ay bumababa sa ating altar upang
ang tinapay at alak ay gawing Katawan at Dugo ni Kristo. Sa panlabas ay tinapay
at alak subalit ang katotohanan nito – iyan ang Panginoon. Nakabatay sa Salita ng Diyos, inuulit
ng pari ang pag-aalay ni Hesus:
Ito ang aking Katawan…ito ang Kalis ng aking Dugo.
Kapag tinanggap natin ang Katawan ni Kristo,
nagkakaroon tayo ng isang malalim na ugnayan sa kanya. Kaya tinatawag na Komunyon – mula sa
salitang Union, pakikipagkaisa. Nakakaisa natin si Hesus sa ating puso
at tayo naman ay naging kaisa ng kanyang buhay. Sa ibang bansa, kapwa Tinapay at Alak ang tinatanggap.
Subalit kahit Tinapay lamang, ito ay tanda pa rin ng Buong Katawan ng
Panginoon.
Ganito kahalaga ang Komunyon para sa isang
Katoliko. Kaya nga, nakaluhod tayo
sa bahagi ng Konsekrasyon. Kaya
nga nagpapakita tayo ng paggalang bago tumanggap ng Komunyon. Sa pagpasok natin sa simbahan,
lumuluhod tayo bilang pagsamba at pagbati sa Banal na Tinapay – ang Katawan ni
Kristo sa tabernakulo. Kaya din, hindi tayo lumalapit kung alam nating may
kasalanang mortal na hindi pa natin naikukumpisal. Dahil ang kaharap natin sa Komunyon ay mismong ang Panginoon
natin at Diyos.
Subalit ang Komunyon ay hindi lamang natatapos sa
pagtanggap ng Katawan ni Kristo. Dahil pagkatapos nating tanggapin ang Panginoon, tayo ay
nagiging bahagi ng kanyang buhay.
We become what we eat. Ikaw
ay nagiging tulad ng iyong paboritong pagkain. Kung buong puso mong tinatanggap ang Katawan ni Kristo, ikaw
ay nagiging buhay na Katawan ni Kristo para sa iyong kapwa.
Ang Komunyon ay hindi lamang pagkain ng isang
munting tinapay. Ito ay hudyat ng
isang misyon sa simbahan. Dapat mo
ngayong patunayan na ikaw ay tumanggap kay Kristo, na ikaw ay naging bahagi ng
Katawan ni Kristo. Dito maraming
bumabagsak na Kristiyano dahil bagamat tumatanggap ng Komunyon, wala namang
nagaganap na pagbabago sa puso.
Sa kapistahang ito ng Corpus Christi, sariwain
natin ang kahulugan ng ating ginagawa linggu-linggo. Tanggapin natin ang Panginoon nang buong puso at tanggapin
natin ang ating misyon na maging tulad niya sa ating pakikitungo sa kapwa.