IKA-23 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON A
SANGKAP NG PAGKAKASUNDO
Hindi natin maiiwasan sa buhay natin na magkaroon
ng di pagkakaunawaan. Hindi lahat ng tao ay mapapasaya natin at hindi naman
natin kayang tanggapin ang lahat ng tao sa paligid. Laging may pagtatalo,
pagtutunggalian, di pagkakaunawaan sa mga ugnayan natin, hindi lamang sa ibang
tao. Mas nakakahina ng loob kung
maganap ito sa loob ng pamilya o sa ating mga kaibigan.
Ang Ebanghelyo ngayon ay tumutukoy sa mga nasirang
ugnayan. Sabi ng Panginoon, ang tamang tugon dito ay pagkakasundo at paghilom.
Maraming tao ang nagkikimkim ng mga sakit sa puso. Ang iba naman, nag-iisip
maghiganti. Di ba natutuwa tayong mag-isip ng masama laban sa ating kaaway? Ang
hindi masabi ng bibig ay nagaganap naman sa isip.
Ang payo ng
Panginoon ay pagkakasundo at paghilom, sa tulong ng dialogue o
pag-uusap. Walang mawawala kung mag-uusap ang mga tao. Nagiging malinaw ang mga
tanong natin sa isa’t-isa. Pero
kung ayaw nating mag-usap, nagiging malalim ang mga sugat. Nagwawagi ang mali at nahihirapan
tayong umusad.
Sa Ebanghelyo malinaw na itinuturo sa atin na kapag
may gumawa ng masama, makipag-usap tayo agad. Ang dialogue ay hindi upang
lalong magsisihan, o ibagsak ang iba o gamitin upang maghiganti. Sa dialogue
tayo ay nagiging magkapantay.
Pag hindi nagtagumpay ang dialogue, nais ng
Panginoon na mag-anyaya tayo ng ibang tao na magiging saksi sa usapan. Ang
taong ito ay hindi kakampi sa isang tao lamang. Dapat kaya niyang tumayo bilang tulay sa mga nag-aaway.
Hindi natin dapat piliin iyong magpapalala ng sitwasyon.
Maaari kaya na hindi pa tayo handa sa
dialogue? Ang mga Pinoy ay
mahiyain na magsalita o magpahayag ng damdamin, kaya mahilig magkimkim ng sama
ng loob. Hindi tayo prangka; ayaw
natin ng gulo. Maraming ang nagsasawalang-kibo
na lamang. Marami sa atin hindi pa handa na makipag-usap sa mga kaaway o
naka-alitan.
Simulan kaya natin sa dasal? Sa Ebanghelyo,
nag-aanyaya ang Panginoon sa magdasal tayo para sa isa’t isa. Nagbubukas ng
puso ang panalangin upang maging bukas tayo sa pagpapatawad at pagkakasundo.
Hilingin natin ang tulong ni Hesus sa landas ng paghilom ng mga sugat sa
ugnayan natin na nagka-lamat na at nasira. Naway magkaroon tayo ng lakas na
subukan ang sangkap ng pagkakasundo – ang mabuting usapan o dialogue.