IKA-30 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON A


ISANG SIMPLENG KATOTOHANAN – PAG-IBIG

Palagi tayong excited sa pagdating ng Pasko.  Septiyembre pa lang, may awit pamasko na, araw-araw na countdown, mga tinda at sale sa mga mall at department store. Ngayong taon, medo bawas yata ang ating pananabik dahil mahirap ang pera ngayon.  Ako mismo, hindi katulad ng dati ang aking excitement sa Pasko.

Pero isang araw, pagdaan ko sa palengke, nakakita ako ng mga parol, iyong mga kawayan at papel na sagisag ng Paskong Pilipino.  Kahit simple ito, napangiti akong bigla at gumaan ang aking loob.  Dama ko, Pasko na kahit Oktubre pa lang.  simple ang parol pero matindi ang tama sa puso ko.

Simple lang din ang alay ng ebanghelyo natin ngayon, isang bagay na mukhang alam na nating lahat – pag-ibig. Tinanong si Hesus kung ano ang pinakamahalagang batas. Ang mga Hudyo ay eksperto sa batas; napakaraming batas para sa bawat aspekto ng buhay. Pero sumagot si Hesus hindi sa pamamagitan ng pinakasikat na batas  o ng bagong batas. Ang ibinigay niya ay ordinaryo at simple pero may mabigat na dating – ang batas ng pag-ibig.

Akala natin minsan alam na natin kung ano ang sinasabi ni Hesus. Tama na ibigin natin ang Diyos nang buong pagkatao.  Tama na ibigin ang kapwa. Pero may paanyaya si Hesus ngayon na pagtuunan natin ito muli ng pansin, pagnilayan na walang pagmamadali. Kung magagawa natin ito, muli tayong mabibiyayaan. Mahihipo tayo ng Espiritu ng pag-ibig.

Ang buhay Kristiyano ay pag-ibig. Walang ibang sentro ng ating buhay kundi pag-ibig ng Diyos. Parang ang daling sabihin ang pag-ibig ng Diyos.  Pero ito nga ba ang pinakamataas nating iniisip. Ang mga krisis pinansyal na nararanasan natin ay isang paalala na para sa maraming tao, pera ang nagiging diyos, isang diyos na bumibigo sa atin.  Kung sasabihin nating  mahal natin ang Diyos, dapat tayong magtiwala, maniwala, kumapit sa Diyos sa lahat ng oras ng buhay. Dapat tayong maniwala hindi sa ating sarili at sa ating kakayahan kundi sa kabutihan ng Diyos na nangangako nang mas mabuting mga bagay para sa kanyang mga anak.

Ang pag-ibig ng Diyos ay may kakambal.  Nangaral si Hesus hindi lamang nga pananampalatayang pataas, isang pribadong relihyon, nakabukod mula sa tao. Dapat tayong akitin ng pag-ibig sa kapwa tao natin, lalo na ang mga higit na nangangailangan.  Bakit mahalaga ang ibang tao? Dahil bawat tao ay “kawangis ng Diyos.” Pag minahal ang Diyos, dapat mahalin ang kanyang wangis sa daigdig. Hindi madaling gawin ito sa sandaling simulan natin ito.

Ngayon ang alay ni Hesus sa atin ay isang simpleng katotohanan, isang paalala – pag-ibig. Kung tunay nating nais na lumago sa buhay, kailangan natin ang lakas ng pag-ibig. Matutunan nawa natin ang magmahal sa Diyos at maglingkod sa kanya. Ang pag-ibig ng Diyos nawa ay maging isang tulak patungo sa paglilingkod sa mga kapwang nakapalibot sa atin. 

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS