PAGBUBUNYI SA BANAL NA KRUS – SEPT 14
PUNO NG PAG-ASA SA KRUS
Ang
buhay ay puno ng mga mahihirap na tanong. Nagtatanong ang isang matandang babae
kung bakit kailangang siya pa ang sumuporta sa pamilya ng mga anak niyang
may-asawa. Nagtatanong din ang
isang batang biyuda kung bakit namatay agad ang kanyang asawa. Isang batang
nurse ang bagamat maraming pera, ay nagtataka kung bakit wala pa siyang nobyo.
Ang
sitwasyon ng buhay ay laging ganito – naliligid ng krus, ng pagdurusa at
problema. Ibat-iba ang mga problema – sa katawan o sa isip o sa damdamin. Subalit bawat isa ay may
krus. Bawat isa dumadaan sa
pagdurusa dahil ito ay bahagi ng hiwaga ng buhay.
Ngayon,
nagdiriwang tayo ng kakaibang pista – pista ng Krus. Kailangan bang ipagdiwang ang krus na sagisag ng dusa, mga
problema at pasakit? Tila nakapagtataka yata. Subalit hindi basta-basta krus o
pagdurusa lamang ang ating ipinagdiriwang. Nakatuon ang ating mga mata sa Krus ni Hesus – na nagpalit
ng tagumpay sa halip na pagkatalo at ng buhay sa halip na kamatayan. Matapang na tinanggap ni Hesus and krus
at winasak niya ang epekto nito sa pamamagitan ng pag-ibig ng Diyos.
Sa
pistang ito, tinatawag tayong harapin ang ating mga krus sa tulong ng
pananampalataya. Sa harap ng krus,
2 bagay ang nagaganap – mayroong nawawalan ng pag-asa at mayroong napupuno ng
pag-asa. May mga tao na hindi makaharap sa problem ng buhay at nagiging
duwag. Dahil sa krus ng buhay,
tumitigil ang buhay at hindi na sila makakilos.
Subalit
bilang Kristiyano, dapat nating harapin ang krus tulad ng Panginoon – puno ng
pag-asa. Sa una, siya rin ay natakot at halos sumuko, subalit tinanggap niya
ang krus, lumago siya dito at nagtagumpay siya dito, alam niya na lagi niyag
kasama ang Ama. At sa huli, natamo
niya ang muling Pagkabuhay.
Natural lamang na matakot
tayo sa krus ng buhay. Subalit may
biyaya sa mga humaharap sa krus na may pananalig at pagtitiwala sa Diyos.
Habang nakatingin tayo sa krus ngayon, humingi tayo ng pag-asa na tayo din ay
magtatagumpay. Amen.