IKA-27 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON A
BAWASAN ANG PAGKABIGO SA
MUNDO
Paano ba natin sinasaktan ang ating kapwa? Minsan pisikal, minsan sa ating salita
dahil masakit magsalita ang dila. Puwede rin sa isip, masaktan ang kapwa
natin. Pero ang pinakamatindi
siguro ay sa emosyon – kapag binigo natin sila.
Mga magulang na nabibigo dahil sa kabila ng
kanilang paghihirap, nagsasayang lang ng panahon ang anak na dapat ay
nag-aaral. Mga guro na nabibigo
dahil sa kabila ng kanilang paghahanda, walang interes ang mga estudyante sa
klase nila. Dahil nagtuturo ako sa seminaryo, madalas maramdaman ko ito sa mga
tamad na kabataan ngayon.
Sa pagbasa ngayon kitang-kita natin ang sakit sa
puso ng Diyos dahil sa katigasan ng puso ng tao. Sa talinghaga ng Panginoong Hesus, ang may-ari ng ubasan ay
paulit-ulit na tinanggihan ng kanyang mga tauhan hanggang patayin pa nga ang
kanyang anak. Bilang tao, bilang mga anak ng Diyos, kaya talaga nating saktan
ang loob ng ating Diyos.
Kaya nating saktan ang isa’t-isa kapag binibigo
natin ang isa’t-isa. Kahit punong-puno ng pag-ibig sa tahanan natin, minsan
ayaw nating ibalik o ibahagi ang ating pag-ibig. Kahit binibigyan tayo ng
sobrang tiwala, minsan sinasayang natin ang ating pagkakataon sa buhay. Binibigo natin ang isa’t-isa kung
maramot tayo na ibalik ang mabuting ginawa sa atin ng iba.
Kaya nga tandaan natin na pati ang Diyos ay
nabibigo din sa tuwing lumalayo tao sa kanya, sa tuwing inuulit natin ang
gating mga kasalanan, sa tuwing hindi tayo nakikinig sa kanyang Salita at hindi
tumatanggap ng kanyang mga Sakramento, sa tuwing nagpapanggap tayong Kristiyano
pero hindi naman namumuhay bilang tunay na tagasunod ni Kristo.
Lumingon
ka sa paligid mo at masdan mo kung gaano karami na ang nasaktan at nabigo. Sa kabila niyan, umaapaw pa rin ang
pag-ibig. Dumadagdag ka ba sa
kabiguan o sa pag-ibig sa kapaligiran?
Sa linggong ito, sikapin natin na huwag magdulot ng kabiguan sa Diyos at
sa kapwa natin.