IKA-22 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON A
PASANIN ANG
KRUS
Kapag nagdarasal tayo, nagsisimula tayo sa Tanda ng
Krus. Pagpasok sa simbahan, ginagawa din natin ito. At pagkatapos ng Misa, binabasbasan tayo ng pari sa
pamamagitan ng Tanda ng Krus.
Bawat pagpapala ay galing sa krus. At ang Krus ni Kristo ang nagdadala
sa atin ng pagpapala. Sa buhay ng
Kristyano, hindi mapaghihiwalay ang pagpapala at ang krus.
Sa ebanghelyo ngayon, si Hesus ay nagtuturo tungkol
sa paghihirap; tungkol sa kaniyang sariling paghihirao na haharapin. Pagkatapos, hinamon niya ang mga alagad
na pasanin ang kanilang mga krus at sumunod sa kanya. Nahirapan is Pedro na tanggapin ang turong to. Para sa kanya, ang pagsunod sa Panginoon
ay panay tagumpay at kapanatagan; ang pagsunod ay dapat walang hirap, walang
tinik, walang luha, walang hirap.
Subalit ang landas ni Pedro ay hindi landas ng Diyos.
Tulad ni Pedro, ang lipunan ngayo ay takot sa
krus. Gusto nating sundan ang
Diyos na walang pagpapasan ng krus.
Ang krus ay popular bilang palawit sa kwintas, sa tattoo, sa hikaw pero
hindi kalakip ng buhay. Dati raw sa America, and krus ang pinakasikat na
tanda. Ngayon ay logo na ng McDo
ang sikat doon.
Paano ba uunawain ang salita ng Panginoon tungkol
sa krus? Hindi ito banta na ang
mga alagad ay laging maghihirap. Sa halip, ito ay pampalakas ng loob na sa mga
sumusunod sa kanya, may naghihintay na kahulugan at kaligtasan sa pamamagitan
ng pagpapasan ng krus araw-araw.
Bawat isa ngayon ay may krus. Ang pangungulila at karamdaman ay mga
krus. Ang problema sa pera at sugat na emosyonal at pisikal sa ating pamilya ay
mga krus. Krus din ang mag-aral o mag trabaho nang masigasig. Krus din ang mga kasalanan natin sa
buhay.
Alam ni Hesus na may krus tayo at sinasabi niya
ngayon: huwag kang mawalan ng loob; huwag matakot; huwag kang tumakas sa Diyos
at sa krus. Hayaan natin siyang tulungan tayo. Iugnay natin sa kanya ang ating
krus. Sa kanya galing ang lakas at kapayapaan. Babaguhin niya ang mga krus at gagawin niyang pagpapala.
Tandaan nating ang krus ni Kristo ay hindi natapos
sa kamatayan kundi sa muling pagkabuhay.
Sa Misa, hilingin nating ang krus nating pinapasan ngayon ay magdala ng
pagpapala sa kapangyarihan ni Hesus.