SAINTS OF JANUARY: SAN JUAN NEUMANN
SAN JUAN NEUMANN,
OBISPO
A. KUWENTO NG BUHAY
Tulad ni Santa Elisabet Ann Seton, ang santong si San Juan
Neumann ay maringal na ipinagdiriwang din sa United States, dahil siya ay doon nag-alay ng kanyang buhay bilang
pari at bilang obispo. Isa siyang US
citizen tulad ni Santa Elisabet Ann.
Ipinanganak noong 1811 si San Juan Neumann sa dating Bohemia (ngayon ay Czech Republic).
Pangarap talaga niyang makarating sa America at maging pari doon. Nang dumating siya sa bansang iyon,
na-ordenahan nga siya bilang isang pari at pagkatapos ay naging bahagi ng religious congregation na tinatawag na Redemptorists. Ipinadala siya sa ibat-ibang lungsod upang maglingkod bilang
pari. Siya ang unang Redemptorist na
gumanap ng kanyang pamamanata (religious
profession) sa United States.
Sa Pilipinas, ang mga Redemptorists
ay nasa maraming lugar pero mas kilala sila bilang mga pari at brothers na tagapangasiwa ng Baclaran
Church. Isa sa mga debosyon na itinataguyod ng mga Redemptorists ay ang debosyon sa Mother of Perpetual Help.
Naging obispo si San Juan at masigla niyang itinatag ang
maraming mga parochial schools at mga
parokya para sa mga imigranteng mula sa Europa na nakarating sa America. Kaya
nga noong dati, sa America ay karaniwang maririnig na ang isang parokya ay “German parish,” “Italian Parish,” o “Irish
Parish.” Ibig sabihin nito,
ang parokya ay ispesyal na itinatag upang mangalaga sa mga nationalities na nabanggit at ang karamihan sa mga tao sa parokyang
iyon ay mga katutubo ng mga bansang nabanggit.
Matalino at masipag si San Juan. Sa katunayan, matatas siya sa 12 wika na kanyang
pinag-aralan at mabilis na natutunan. Sumulat siya ng mga libro sa katesismo,
at ng Bible History para sa mga
estudyante ng parochial schools.
Mahal ni San Juan Neumann ang mga bata, ang mga madre at ang mga
imigrante. Pero kilala din siya sa
pagmamahal niya sa mga American Indians.
Nagkaroon ng kaugnayan si San Juan Neumann sa buhay ni Santa Elisabet Ann
Seton.
Pumanaw si San Juan Neumann noong 1860 at naging santo noong
1977. Siya ng unang obispo mula sa United
States of America na naging isang santo.
B. HAMON SA BUHAY
Maraming nangangarap ngayon na mangibang-bansa dahil sa kagustuhang
yumaman o umunlad. Si San Juan
Neumann ay nangarap mag-abroad para
maglingkod sa Diyos at sa mga nangangailangan ng kanyang tulong. Ipagdasal
natin ang ating mga kababayang imigrante sa ibang bansa upang kasama ng
kanilang pag-unlad sa buhay ay maging mga lingkod din sila ng Panginoon sa mga
bansang kinalalagyan nila ngayon.
Ngayong Bagong Taon, si San Juan nawa ang gumabay sa ating
upang maging buhay na ala-ala tayo ng Diyos sa mga kapus-palad.
K. KATAGA NG BUHAY
Mt. 19:29
At ang mag-iwan ng nga tahanan, mga kapatid, ama at ina, mga
anak o mga bukid alang-alang sa ngalan ko, tatanggap siya ng sandaang beses at
makakamit ang buhay na walang hanggan.
(from: Isang Sulyap sa mga Santo, by Fr. RMarcos)