IKATLONG LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

 


ANG MAKILALA AT IPAHAYAG SI HESUS

LK 1; 1-4, 4:14-21

 

photo: fr tam nguyen

 

 

Isang dukhang babae na ulirang asawa sa isang magsasaka at ina sa kanilang mga anak ang biglang dinapuan ng sakit na kanser ng sinus at unti-unting kinain ng kanser ang kanyang mukha. Kulang sa pera para sa gamot at konsulta, lumala ang kalagayan ng babae at naigupo siya ng karamdaman hanggang maratay na lamang.

 

Isang grupo ng mga madre ang nakaalam ng situwasyon. Dinalaw nila ang babae at ipinagdasal. Tinulungan nila ng anumang kanilang makakayang dalhin na pangangailangan ng maysakit. Higit sa lahat ay dinala nila sa babae at mag-anak nito ang mensahe ng Mabuting Balita ni Hesus na mahabagin at butihing Diyos.

 

Matapos ang Kapaskuhan at ang Pista ng Santo Niño, pumapasok na tayo sa karaniwang panahon sa piling ni San Lukas bilang ating gabay. Kakaiba ang Mabuting Balita ayon kay Lukas dahil ibang larawan ng Panginoong Hesus ang dala nito. Larawan na taong-tao, mahabagin, maawain, malapit sa mga naghihirap, tumutulong sa salat, at yumayakap sa mga itiniwalag ng lipunan.

 

Inilalarawan ng Mabuting Balita ang Panginoong Hesus sa tulong ng pananalita ni propeta Isaias bilang puspos ng Espiritu Santo, kaulayaw ng Espiritu ng Diyos, kung kaya’t umaapaw sa kapangyarihan. Subalit ang kapangyarihang ito ay hindi upang lumupig o manupil ng kapwa. Sa halip, ito ay kapangyarihang magpalaya ng mga dukha, ng mga napipiit, mga bulag at mga inaapi. Narito si Hesus upang magpahayag ng isang jubilee: isang taon ng biyaya, bukal ng kagalakan, panahon ng kalayaan mula sa kasalanan at katigasan ng puso.

 

Lahat tayo ay inaanyayahang kilalanin mabuti si Hesus. Kapag nagawa natin ito, mabubuksan natin ang ating puso sa kanya, masusundan ang yapak niya, at maiaalay ang buong buhay sa kanya. Ang pakikipagkaibigang ito kay Hesus ay hindi pansarili – ako at ikaw – kundi dala nito ang misyon na magpatuloy na kanyang simulain. Ang tunay na tagasunod at kaibigan ni Hesus ay nagpapahayag din ng kanyang pag-ibig sa pamamagitan ng salita at gawa.

 

Paano ba makilalang lubos ang Panginoon? Simula natin sa paraang itinuro niya sa Mabuting Balita ngayon. Binasa niya ang Kasulatan. Subukan mo kayang basahing muli ang Bible, isang kabanata araw-araw sa gitna ng busy mong buhay. O kaya sundan ang isang Bible reading plan sa internet. O makinig sa isang podcast ukol sa Bible. Nawa ang taong ito kasama si San Lukas ay magpa-igting ng kaalaman at pagmamahal natin sa Panginoon at dahil dito ay ipagsigawan natin ang kanyang Mabuting Balita sa pamamagitan ng ating buhay, tulad ng isinaad ni Blessed Charles de Foucauld.

 

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS