SANTO NIÑO DE LA “SUERTE”
Isang nakatutuwang gawi ng mga
relihyosong Pinoy ang paglalagay ng mga imahen sa kanilang lugar ng
paghahanap-buhay. Nariyang may Bibliya, krusipiho, Mahal na Birhen, Santo Niño
at iba pang imahen sa isang altar sa sulok ng opisina o tindahan. Minsan naman
ay nasa tabi ng kahera o ng mismong cash register.
Ang siste, madalas din na katabi
ng imaheng relihyoso ay ang mga pampaswerte na hango sa kaugalian o pamahiing
tsino tulad ng kumakaway na pusa, berdeng palaka, istatuwa ng Buddha, at iba
pa. Pinaghalong pamahiin at pananampalataya alang-alang sa pagpasok ng pera sa
isang negosyo. Malinaw na nagiging malabnaw ang pananampalataya kapag hinaluan
ng ganitong mga hiram na paniniwala na walang batayan sa Salita ng Diyos at
umaasa lamang sa swerte or tsamba, ika nga.
Lalong nakakagulat nang may
nakaisip na gumawa ng mga imahen ng Santo Nino na ngayon ay tinatawag na de la
Suerte (minsan de la “pera”). Ang imahen ay kakaiba dahil ang dala ng Santo
Nino ay isang supot ng pera na siyang simbolo ng kasaganaan daw o pagpasok ng
suwerte.
Bagamat totoong kinikilala natin
na lahat ay biyaya at anumang tinatamasa nating kabutihan ay kaloob ng Diyos,
tila hindi naman tama na gawing imahen ng Panginoon ang may kaakibat na salapi.
Hindi din tama na tingnan ang Diyos bilang daluyan lamang ng materyal na
paglago at matuon sa pera ang ating pakikitungo sa kanya.
Ang Panginoong Hesus ay naging
isang mabuting manggagawa sa Nazaret bago siya lumunsad sa pangangaral ng
Kaharian ng kanyang Ama. Ang tahimik na pamumuhay sa kanyang nayon kasama ni
San Jose at ng Mahal na Birhen ay paanyaya at pagganyak na matuto ang bawat isa
na magsumikap, magsipag, at magtrabaho upang mabuhay nang marangal – ibig sabihin,
magtiwala sa Diyos, manindigan sa sarili, at makipag-kapwa tao nang tama, at
hindi tumangan sa ibabato sa iyo ng tadhana dahil sa mga gamit, ritwal o
orasyon.
Sa Cebu, ipinagbawal ang pagbabasbas
ng mga imahen ng Santo Nino na malayo sa tunay na kahulugan ng debosyon dito,
tulad ng de la suerte, o Santo Nino na may taban na hagupit para sa mga
masasamang loob, at Santo Nino na may sinturon na gamut sa problema sa
kakayahang magka-anak.
(original article by Fr. RMarcos for this blog; use of this must responsibly acknowledge the author and source)