KAPISTAHAN NG SANTO NIÑO K
HIGIT SA LAHAT, KAILANGAN NILA ANG MGA MAGULANG
LK 2: 41-52
Nagulat ako sa sagot ng kaibigan ko nang kumustahin ko ang kanilang mga anak. Maayos naman daw ang mga ito; kung tutuusin nga daw ay tila mas matanda pa ang mga itong mag-isip kaysa sa kanilang mag-asawa. Dama kong may pagmamalaki sa puso ng kaibigan kong ito. Pero napaisip lang ako, kung mas mature pa ang mga anak niya, ano pa ang silbi niya sa buhay nila? Kailangan pa ba nila ng magulang?
Nauuso ngayon na sobrang paghanga ng mga magulang sa anak na tuloy akala nila ay hinog na ang pag-iisip ng mga ito. Maraming mga magulang tuloy ang gusto ay kilalanin ng mga anak, hindi bilang magulang, kundi bilang kaibigan o kabarkada. Ayon sa mga pyschologists, ito ay isang pagpapabaya sa tungkulin ng magulang at hindi ito nakatutulong sa paglago ng mga bata.
Sa Mabuting Balita, baliktanaw tayo sa pagkabata ni Hesus ngayong pista ng Santo Niño. Sa tagpong ito makikita ang Batang Hesus na tila husto na sa pag-iisip at pagpapasya at matapang na nagpaiwan sa Templo. Doon nakinig, nagtanong, at nagpaliwanag siya sa piling ng mga lider-relihyoso. Lahat ay humanga sa kanyang pag-iisip at pagkilos.
Subalit hindi inisip ni Jose at Maria na iwan na lamang ang Anak doon. Tatlong araw nilang hinanap ang nawawalang bata. At nang matagpuan, pinagsabihan ito ni Maria at ipinamukha sa kanya ang kanilang pagdurusang dinanas sa pagkawalay ng Anak. Bagamat nagpaliwanag din ang Panginoong Hesus, sa bandang huli, hawak ang kamay ng mga magulang, tahimik siyang sumamang umuwi na.
Wala nang narinig na salita o insidente tungkol sa Batang Hesus maliban sa isang kakulitan na ito. Sabi ni San Lukas, nanatili itong masunuring Anak, magalang sa mga magulang niya habang “lumalago sa karunungan, at pagkalugod ng Diyos at ng mga tao.” Sa aral Katoliko, ang mga taong ito ay itinuturing bilang mga taon ng pagyabong ng paggalang, pagmamahal at pagkakaisa ng Banal na Pamilya. Inihanda ni Hesus ang sariling misyon sa pagiging masunurin sa magulang. Si Jose at Maria naman ay patuloy na nagturo, gumabay at nag-akay sa Batang Hesus tungo sa paglaki at pagiging mature nito bilang tao at bilang isang mabuting Hudyo.
Lipas na nga ang panahong ang mga magulang ay sobrang higpit. Subalit kailangan pa rin ng mga anak ang pagmamahal, proteksyon at halimbawa at aral ng mga magulang para maging handa sa mga hamon ng buhay. Ang pagkilala ni Hesus sa kanyang mga magulang ay tanda na hindi dapat isantabi kundi dapat lalong isaloob ng mga magulang ang kanilang misyon na atas ng Diyos sa kanila.
Comments