SANTO NIÑO DE PALABOY (O SANTO NIÑONG GALA)


Ang pinagmulan ng Santo Nino de Palaboy o Santo Ninong Gala (Vagrant) ay ang bantog na eskultor na si Fred Baldemor ng Paete na umukit ng unang imahen noong 1974. Sinasabing ginawa mula sa kahoy na molave ang orihinal na imaheng ito. Matapos ito, ang imahen ay naging bantog sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.





Si G. Baldemor ay tanyag sa kanyang mga ukit sa kahoy, marmol, alabaster, garing, at tanso kung saan ipinakita niya ang mga temang pang-relihyon, alamat Pilipino, at mga larawan ng mukha ng tao. Naitanghal ang mga gawa niya sa New York, Havana at Tokyo.





Layunin ng eskultor na sa pamamagitan ng imahen ng Palaboy na bigyang pansin at parangal ang mga batang-lansangan o kalsada (street children) na noon ay nagsisimula nang mapansin sa mga lungsod. Madaling nakita ng mga tao ang bakas ng mga batang lansangan sa imahen ng Santo Nino na isang batang dukha, naglalakbay (palabuy-laboy), at nangangailangan ng paglingap. Dahil dito, napamahal sa mga tao ang paglalarawang ito sa Santo Nino.




Ngayon ang Santo Nino de Palaboy ay makikilala sa kasuutan nitong malaking kamiseta na siyang tanging saplot sa katawan, o sa kasuutang camisa de chino at pantalon. May dalang tungkod at may balutan o buslong lalagyan sa tagiliran ng imahen. Minsan naman ay nakahubad at may saplot pang-ibaba lamang. Maraming ding nagdadamit ng imahen upang hindi ito magmukhang lubhang kaawa-awa kung nakahubad lamang.



Dahil sa Paete nagmula ang unang imahen, isa pang imahen na gawa naman ng magbabarkadang taga-Paete rin ang naging tampok sa taunang pagdiriwang na tinatawag na Salibanda sa Quinale (isang masayang prusisyon na tampok ang sayaw, musika at pagsasaboy ng tubig). Itinuturing ngayon na ang Quinale ang siyang tahanan ng Santo Nino de Palaboy.  Ang imahen nila dito ay hinihiram ng mga taga Bacoor, Cavite para sa kanila ring pagdiriwang.





Ang Santo Nino de Palaboy, bagamat hindi sinaunang titulo ng Santo Nino (tulad ng sa Prague, Atocha, Cebu, Aracoeli), ay maituturing na bunga ng damdaming relihyoso at malikhain ng mga Pilipino na nakaugnay din sa pagpapahalagang panlipunan sa kapakanan ng mga musmos na dukha at nangangailangan ng tulong, suporta at proteksyon. Masasalamin dito sa lumalagong debosyon ang pusong Katoliko at pusong Pilipino na may pananampalataya at malasakit sa kapwa.


(original article by Fr. RMarcos for this blog; use of this must responsibly acknowledge the author and source)

-->

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS