IKA-24 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON B
SA PAMAMAGITAN NITONG
KRUS
Pagsapit ng gabi sa Seoul, South
Korea isa-isa nang nagsisindi ang mga de-kuryenteng ilaw na krus sa tuktok ng
maraming Protestanteng simbahan doon; kaya tinatawag ang lugar na ito na “lungsod
ng isanlibong simbahan.” Sa simula sinalubong ng pagkamangha ng mga tao ang tanawing
ito subalit paglipas ng panahon inireklamo na ito bilang sanhi daw ng polusyon
ng kapaligiran doon. Para sa iba, ang krus ay kalugod-lugod na tanda, at sa iba
naman isa itong masamang banta.
Sa ebanghelyo ngayon, inaakay ng
Panginoong Hesus ang mga alagad sa paglago mula sa pagkakilala sa kanya (“Ikaw ang
Kristo”), tungo sa pagkabatid ng kanyang pagpapakasakit at luwalhati, at hanggang
humantong sa pagtanggap ng itinakda niyang kundisyon sa pagsunod sa kanya sa
pamamagitan ng araw-araw na pagpapasan ng sarili nilang krus. Maraming Katoliko
at Ortodox ang mahilig gumawa ng Tanda ng Krus sa kanilang katawan habang
nagdarasal samantalang sa katotohanan ay nais iwaglit ang misteryo ng krus ng
kanilang buhay.
Sa mundo ngayon na ang mahalaga
ay pagiging buo, maayos, at malusog, nakatuon ang ating pagnanasa sa pagkakamit
ng kalusugan, kayamanan, kaligayahan at kaganapan ng buhay. Nais nating
tanggapin at lasapin ang mga masaganang biyayang pangako ng Diyos sa mga
naghahanap nito. Pero nakakalimutan o nilalaktawan natin ang bahagi ng pangako
ng Panginoon na ang landas tungo sa luwalhati at tagumpay ay dapat munang
dumaan sa landas ng hilahil, pawis at luha. Ang krus ay hindi isa sa
pagpipilian sa buhay; ito ay tiyak na kaganapan para sa lahat.
Ang pagdurusa ay dumadapo sa
ating lahat. Maraming pang-araw araw na aberya sa bahay at trabaho. Nagiging maalon
ang mga pakikipag-ugnayan. Nagkakasakit ang katawan. Nawawasak ng karahasan ang
mga pamilya at pamayanan. Kaydaming nabubulid sa kawalang pag-asa at kawalang
kahulugan dahil sa depresyon. Bagamat walang may gusto ng alinman sa mga bagay
na ito, kapag dumarating at nagaganap na ito sa ating buhay, ang payo ng Panginoon ay sundan ang landas niyang
tinahak tungo sa tagumpay at kaluwalhatian – at iyan ay sa pagpapasan ng krus
na may lakas ng loob at tiwala.
Mananatiling misteryo ang krus sa
marami sa atin, pero isang katotohanan na sa pagpapasan ng krus, hindi tayo
pababayaan ng Panginoon at sa halip ay babantayan niya tayo, sasamahan tayo,
sasaluhan tayo at palalakasin tayo. Hindi tinatanggal ng isang mabuting
magulang ang mga hadlang sa buhay ng anak subalit inaalalayan niya ito na
malampasan ang lahat. Ganoon din ang Diyos. Niyakap ni Hesus ang krus upang
ipakita ang paraan para mabuhay sa isang masalimuot na mundo at upang iligtas
tayo sa pamamagitan ng pagsuong sa lahat ng pait na dinaranas natin bilang mga
tao.
Sa susunod na paga-antanda mo ng
krus sa iyong ulo, dibdib at balikat, alalahanin nating itaas sa Panginoon ang mga
pagsubok na dinaranas natin ngayon. Habang lakas-loob nating hinaharap ang mga
ito, buong kababaang-loob nating hilingin na samahan at sabayan niya tayo bawat
hakbang. Hilingin natin ang kanyang pag-alalay upang maging malakas tayo at
matatag na malampasan ang mga suliranin sa kapangyarihan ng pananampalataya at
pag-asa sa kanya.