IKA-25 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B



SA YAPAK NG MABABANG-LOOB







Hindi ba’t minsan tayong natutukso na idolohin ang mga unang alagad ng Panginoong Hesus dahil sa kanilang bukas-palad na pagsunod sa kanya, sa pag-unawa sa kahulugan ng kanilang pasya, at sa kanilang pagtatalaga ng buhay sa landas ng Panginoon? Mag-isip-isip ulit!



Nagbibigay ang mabuting balita ngayon ng malinaw na larawan ng masalimuot na paglalakbay ng mga alagad tungo sa pagiging tunay at matapat na tagasunod. Habang nagtuturo si Hesus tungkol sa kanyang pagpapakasakit at krus, wala isa mang nakaintindi sa kanya. Wala ding isa man, na nangahas magtanong at maglinaw sa kanilang kalituhan. At idagdag pang habang tinuturuan sila ng Panginoon ukol sa kababaang-loob, siya namang nagtalo-talo sila kung sino ang magkakaroon ng mas mataas na posisyon!



Salamat sa pagkabanayad at pagtitimpi ni Hesus sa kanyang mga kaibigan, sa halip kagalitan sila sa mabagal na pang-unawa, inakay niya sila, sa tulong ng paglalahad, na sundan siya sa landas ng pagpapakumbaba. “Kung sino man ang nagnanais maging una, dapat siyang maging huli sa lahat at lingkod ng lahat.” Ano ba ang kahulugan nito para sa atin?



Maging sa mga Kristiyano ngayon, ang kababaang-loob ay hindi na uso. Maraming mga lamat ng pagkatao ngayon – may mababa ang tingin sa sarili, may mas nakikiling sa depresyon, may mga dalang-dala na sa mga trahedyang pinagdaanan sa buhay. Upang makalaya sa mga ito, ang ipinagpipilitan ngayon ay magtuon ng pansin sa interes at pagpapahalaga sa sarili, at sa kaganapan at pagpaparangal sa sarili. Nauunawaan ni Hesus ang pangangailangan ng bawat isa na magkaroon ng matibay na basehan ng sarili at ng paghilom ng mga sugat laban sa kahalagahan at paniniwala sa sarili. Ang pagiging mababang-loob ay hindi pagtapak sa mas masiglang pagtantya ng pagkatao.



Ang tunay na kababaang-loob ay may dalawang sangkap: una, ang kaalaman ng malaking potensyal natin bilang mga nilalang na kawangis ng Diyos na ating Ama, at ikalawa, ang pagkamulat sa maraming hadlang sa pagbibigay kaganapan sa potensyal na ito. Tayo’y pinagpala; tayo’y tumanggap ng mga kaloob. Subalit dapat amining hindi natin lubos na matanggap ang pag-ibig ng Diyos nang malaya at may galak. Dahil dito, kailangan natin ang tulong ng Diyos at ang suporta ng bawat isang kapatid sa pananampalataya.



Kung alam nating pinagpala tayo at nagagawa natin lahat ng mabuti dahil sa Panginoon, hindi ba mas dapat magpasalamat kaysa magmayabang? Kung tiyak tayong nakasalalay tayo sa isa’t-isa sa buhay na ito, hindi ba dapat higit na magtiwala kaysa magmataas?



Panginoong Hesus, gabayan mo po ako ng iyong salita at halimbawa, na “maging huli sa lahat at lingkod ng lahat.” Amen.


Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS