DAKILANG KAPISTAHAN NG MULING PAGKABUHAY K
SA KANYA ANG
KAPANGYARIHAN
Isang babae ang nakikipagbuno sa
kanser sa loob ng 15 taon. May nakita na namang kanser sa kanya ngayon. Puno ng
pag-aalala, pagkayanig at pagkatakot, nasabi niya lahat ito sa doktor. Hindi
Katoliko at hindi relihyoso ang doktor pero nakakagulat ang sinabi nito sa
babae: Naniniwala ka ba sa panalangin? Ang babae naman, na totoong relihyoso,
ay nagka-inspirasyon at lakas ng loob sa kapangyarihan ng panalangin na magwagi
laban sa kanyang kanser.
Himala ng mga himala – iyan ang
Muling Pagkabuhay ni Kristo! Matapos ang paghihirap, sakit at kamatayan ng
Panginoon, ngayon ipinahahayag natin ang kanyang tagumpay! Hindi maigugupo ng
kamatayan si Hesus. Nabuhay siyang muli bilang Panginoon ng buhay, at
tagapagbigay ng bagong buhay! Aleluya!
Magugulat siguro tayong malaman
na maraming walang pakialam sa Easter sa buong mundo. Marami ring hindi
naniniwala na nabuhay muli si Hesus. Maging mga bible scholar ang nagtuturo na
nasa isip lang ng mga apostol ang muling pagkabuhay. Ang naganap lang sa kanila
ay inspirasyon, bagong lakas, at ibayong tapang mula sa kanilang mga ala-ala ng
pagiging kaibigan ng Panginoong Hesukristo.
Kung walang Pagkabuhay, wala din
kapangyarihan. Ang inspirasyon ay hindi nagtatagal. Ang motibasyon ay
humahantong sa pagkapagod. Ang pagpapanggap ay kailangang yumuko sa
katotohanan. At kung walang tunay na bukal ng lakas, ang susunod na aasahan ay
pagkatigang lamang.
Maraming gumagaling dahil sa
panalangin. Maraming nabubuo at nagbabago dahil sa panalangin. Mabisa ang
panalangin dahil may Diyos na totoong nakikinig at nakikilakbay sa atin. Si
Kristong Muling Nabuhay ay maaasahan na humipo sa ating mga sakit at kahinaan,
pumawi ng ating pangamba at takot, at magdulot sa atin ng paghilom at
pagpapanariwang muli.
Dahil sa sinabi ng doktor,
nabuhay ang pananampalataya ng babae sa Tagapagligtas na tunay na buhay ngayon!
15 taon nang sinasamahan ni Hesus ang babae sa gitna ng karamdaman. Ilalampas
niya ito muli sa anumang nakaambang mga pagsubok. Napakasarap malaman na tunay
na may Tagapagligtas ang sanlibutan.
Nananalig ka ba sa Pagkabuhay ni
Kristo? Sa kanyang tagumpay laban sa kamatayan? Kung gayon, makikita mo siyang
kumikilos sa iyong buhay. Madarama mo siyang nagtatatag muli ng pag-asa,
kalusugan, at kaligayahan! Aleluya! Maligayang Pasko ng Pagkabuhay!