IKA-LIMANG LINGGO NG KUWARESMA K
LUKSO NG GALAK
Sikat ngayon ang paraan ng
pagsasaayos ng bahay o opisina na ang tawag ay KonMari. Gawa ng isang Haponesa,
sabi niya gamitin ang damdamin upang malaman kung dapat itago o itapon ang isang
bagay. Halimbawa, haplusin ang iyong mga damit at pakiramdaman kung may “lukso
ng ligaya” kang nadama. Kapag meron, itago muli ang damit. Kapag wala, puwede
na itong itapon.
Maaaring hindi tayo sanay
pakiramdaman ang “lukso ng ligaya” sa bawat ari-arian natin. Pero may matalas
tayong pandama sa tao. May mga taong nagpapasaya sa atin agad. May mga tao
namang madaling kayamutan, lalo na ang mga masasama, mapanganib at nakahihiya.
Ito ang naganap sa Mabuting
Balita ngayon. Sabi ni Juan, isang babae ang nahuling nangangalunya at ayon sa
mga Hudyo dapat siyang dagliang ikondena, husgahan at parusahan. Dapat siyang
hiyain at idiin sa publiko. Makasalanan siya at walang lugar para sa tulad niya
sa lipunan ng mga Hudyo.
Nabigo ang lahat nang madinig
mula kay Hesus na hindi lamang ang babae ang makasalanan doon. Lahat ng
nakapalibot ay mga makasalanang hindi kayang maghagis ng unang bato. Hindi nais
ng Panginoon na ipahiya ang madla. Ang gusto niya ay ipakitang ang bawat
makasalana, lalo na ang pinaka-kinamumuhian, ay nagpapalukso ng ligaya sa puso
niya, sa puso ng Diyos.
Kay Hesus, walang taong patapon. Lahat
ay mahalaga. Mahirap tanggapin ang aral at halimbawang ito ni Hesus sa panahong
itinuturo sa atin na dapat itatwa, itulak, ilayo ang mga bulok na tao mula sa
lipunan, at malayo sa ating puso.
Ang karunungan ng Diyos ang nagligtas
sa babae. Ito rin ang ating kaligtasan dahil tayo ay mga makasalanang tanging
Diyos lamang ang makatatanggap at magpapahalaga. May lukso ng ligaya sa puso ng
Diyos para sa atin. Kaya ba nating tularan ang pananaw na ito sa pagturing
natin sa mga kapwa natin makasalanan sa paligid?
May isang kasabihan mula kay
Audrey Hepburn: Ang mga tao, higit pa sa mga bagay, ay dapat buuin,
panibaguhin, buhayin, tanggapin at tubusin; huwag itapon ang sinumang tao.”
May makabuluhan pa dito ang salita
ng Panginoon: “Hindi rin kita hahatulan. Umuwi ka na, at mula ngayon ay huwag
ka nang gumawa ng kasalanan.”