LINGGO NG PALASPAS, K
TOTOO BA SIYANG
MAKAPANGYARIHAN?
Isang video ang nagpakita ng
komprontasyon ng mga anti-abortion protesters at ng abortion doctor. Sabi ng
isang protester, kailangan daw ng doktor na makilala si Hesus upang mapatawad
at maligtas. Mariing sumigaw ang doktor na naniniwala siya sa Diyos pero si
Hesus “ay patay na! 2,000 taon nang patay iyan!” Nakakagulat na walang naisagot
ang protester dito.
Bakit kasi kailangang pang
mamatay ng Panginoon? Misteryo ang kamatayan ni Hesus sa ating lahat, kahit sa
pinakamasugid na Kristiyano. Ang kamatayan niya ay kaganapan ng kasaysayan. Kung
bakit dapat pa siyang mamatay ay patuloy na dahilan upang pagdudahan ang kanyang
kapangyarihan at upang itanggi ang kanyang pagka-Diyos. Ngayong Linggo ng Palaspas
haharap tayong muli sa isang namamatay na Diyos, isang nagdurugong Manunubos,
nakabayubay sa krus. Sa harap niya, minsan pati ang ating pananampalatay ay
nanghihina.
Sabi ng mga matatalino mula pa
noon na ang Diyos ay makapangyarihan, buo, di nagbabago, di natitinag. Maraming
naghahanap pa rin ng ganitong mga katangian ng Diyos ngayon. Para sa kanila
(lalo na sa ating president), ang krus ay insulto sa Diyos, isang kontradiksyon
na hindi kailangan at hindi maintindihan. Ganoon nga ba?
Ang krus ni Hesus ay isang
kontradiksyon – hindi sa bahagi ng Diyos kundi sa bahagi natin. Limitado ang utak
natin pagdating sa Diyos. Sabi ni San Agustin, kaya nating maunawaan ang “kaunti” tungkol sa Diyos pero hindi ang “lahat” tungkol sa Diyos. Dahil kung ganun,
hindi na siya Diyos; tayo na ang diyos ng mundong ito!
Tulad ng mga pilosoper, kalimitan
nating iniisip na ang Diyos ay dapat perpekto, di natitinag, walang emosyon. Isang
Diyos na tila isang tipak ng malaking bato na walang kaugnayan sa paligid nito.
Subalit kung babasahin natin ang Bibliya, ang Diyos doon ay nakadadama,
nagmamahal, nagagalit, nagbabago ng pasya – malayo sa ideya ng mga pilosoper at
pantas.
Ang pagiging perpekto ng Diyos ay
walang hanggan at hindi malilimitahan ng ating kaisipan; hindi sa hindi siya
kumikilos kundi nasa kanya ang lahat ng kilos; hindi siya walang pakiramdam
kundi lampas pa siya sa ating mga damdamin. Totoo na hindi siya nagmamahal “tulad”
natin kasi nagmamahal siya “labis pa” sa ginagawa natin. Sa paraang hindi natin
malirip ganun siya magmahal – sa mga makasalanang tulad nating lahat! Nagmamahal
siya hanggang sa kamatayan, hanggang sa kadulu-duluhan, hanggang sa krus at
hukay!
Ang natatagong buhay ng Diyos ay
ibinunyag ng pagkatao ni Hesus. Bilang tao, naghirap siya, nagmahal,
nagpagaling ng maysakit, nagpatawad ng kasalanan. Nilinlang siya ng mga
nakapalibot at itinatwa ng pinagkakatiwalaan. Ganito ang tunay na Diyos, sa
mismong buhay at karanasan ng kanyang Anak na si Hesus.
Malaking hamon ang mga Mahal na Araw
sa ating kaisipan sa Diyos. Magkaroon nawa tayo ng mas malalim at mas mayaman,
hindi mas mababaw at mas salat, ng Diyos na Nakapako at Namamatay sa ating
paglalakbay kasama niya sa pagpapakasakit at kamatayan. Mapuno nawa tayo ng
papuri at pagsamba habang sinasalubong natin ang kanyang Muling Pagkabuhay. Ang
huli para kay Hesus ay hindi pagkawasak kundi tagumpay sa kasalanan at
kamatayan.
-->