BAKIT KATABI NG ROBINSONS GALLERIA ANG EDSA SHRINE
Kamamatay lamang ni John Gokongwei, ang may-ari ng mga
establisyamentong Robinsons sa buong Pilipinas. Si Mr. Gokongwei ay isang
Tsinoy na kabilang sa mga pinakayamang tao sa bansa. Sino kaya ang hindi pa
nakapasok sa anumang mall ng Robinsons na nagkalat sa mga lungsod at probinsya
ng ating bayan?
Isa sa kuwentong bayan na nakadikit sa Robinsons ay ang mahiwagang
“ahas” diumano na kumakain ng mga saleslady at mga customers ng mall na ito
lalo na sa fitting room. Nakakatuwang isipin na kayraming naniwala sa paninira
na ito sa mall. Ngayon isa na lamang kinikilalang nakakatuwang alamat-bayan ang
kuwento ng sinasabing “ahas” o “taong-ahas” na isa daw sa mga anak ng Gokongwei
family.
Lingid sa kaalaman ng marami, ang Edsa Shrine, ang munting
simbahan na puno ng kasaysayan at debosyon sa panulukan ng Edsa at Ortigas, ay
isa sa mga nagawang kabutihan ni Gokongwei.
Nang maisipan ni Cardinal Jaime Sin, ang mabunying arsobispo
ng Maynila na itayo ang Edsa Shrine upang parangalan ang himala ng Diyos sa
mapayapang Edsa Revolution ng 1986, kinausap at kinumbinsi niya ang mga Ortigas
at mga Gokongwei na i-donate ang lupa sa gilid ng Edsa katabi ng Robinsons
Galleria para sa simbahan. Agad namang pumayag ang mga ito at nagsimula ang paggawa
ng simbahan.
Ayon sa mga nakakatuwang kuwento ni Cardinal Sin, nang
malapit nang matapos ang deadline para sa simbahan, hindi pa ito ganap na tapos
dahil nagkulang na ang mga donasyon ng mga tao. Naisipan niyang tawagan si
Gokongwei na tulungan siyang mapatapos ang pagawain. Noong una, tila hindi
kumbinsido si Gokongwei na tumulong pa dahil sa kanya na nagmula ang lupa.
Tinawagan siya muli ni Cardinal Sin at sinabi: “Alam mo,
nanaginip ako kagabi at sabi ng Diyos sa akin na kapag hindi mo ako tinulungan
na ipatapos ang Shrine, may masama daw mangyayari sa iyong pamilya.”
Nang marinig ito ni Gokongwei ay dali-dali niyang ibinigay ang
lahat ng kailangan pa upang matapos ang Shrine sa takdang panahon.
Giit ni Cardinal Sin nang may pagbibiro: “Hindi ko naman
sinabi sa kay Gokongwei na nagpakita mismo ang Diyos sa akin at nagbigay ng
mensahe. Ang sabi ko ay nanaginip ako… bahala na siya kung naniwala siya sa
aking panaginip.” Laging may kasunod na malutong na tawa ang kuwentong ito ng
mabuting Cardinal Sin.
Nagkaroon ng kahirapan sa tubig ang Edsa Shrine dala na rin
ng hirap ng tubig sa Kamaynilaan. Dahil dito laging walang tubig sa kusina, sa
banyo at palikuran ng Shrine. Naisipan muling
tawagan ni Cardinal Sin si Gokongwei upang tumulong. Nagpasya ito na idugtong ang
water supply ng Shrine sa supply ng kanyang mall upang hindi na muli pang
magka-problema sa tubig ang simbahan. Hindi ko lamang batid kung ganito pa rin ang
kasunduan ngayon.
Panalangin para sa kaluluwa ni Ginoong John Gokongwei, isang
kaibigan ng simbahan sa Edsa! God bless your soul!