IKA-WALONG LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K
ANG UNANG IPOKRITO
LK 6: 39-45
Nakikinig ako sa isang lalaking nagrereklamo tungkol sa kanyang asawa – gastadora at ma-aksaya, pabayang ina, burarang maybahay, at walang tigil magtatalak – pero napaisip din ako kung ano ang kwento sa kabilang dako. Kung may dalawang kwento sa bawat pangyayari, tiyak ang lalaking ito ay may mga pagkukulang din… maliban kung perpektong tao siya.
Sa mabuting balita, nadinig natin ang unang pagpansin ng Panginoong Hesus sa ipokrito. Ang ipokrito ay malinaw ang mata kapag iba ang pag-uusapan subalit malabo ang mata kapag sarili ang susuriin. Maingay siyang nagsusumbong ng ibang tao dahil mataas ang tingin niya sa sarili at tila hindi siya maaaring magkamali. Hindi siya maaaring pagbintangan ng kakulangan dahil walang bahid ang kanyang pagkatao at mga kilos.
Inilalarawan ng Panginoon ang isang ipokrito bilang bulag. Hindi niya namamasdan ang buong pangyayari kundi ang nais lamang niyang sipatin. Dahil dito, hindi siya maaaring maging gabay ng iba dahil palpak ang kanyang paningin sa tama. Kung pipilitin niyang umakay ng kapwa, tiyak pareho silang madadapa. Kaygandang paglalarawan ni Hesus ng ganitong uri ng tao.
Hinahamon tayo ng Panginoon na maging pantay sa buhay. Nais niyang ituwid natin ang kamalian ng iba. Hindi niya gustong magpanggap tayong walang nagaganap na hindi wasto. Hindi niya nais na magkibit balikat at maging pabaya tayo. Subalit tinatawag tayo muna na sulyapan ang sariling puso, hangarin, kalooban at kilos. Kung hindi, nakatatawa tayong nagbibintang sa iba ng mga pagkukulang na matatagpuan din sa ating sarili. Paano nga naman tayo magkakaroon ng karapatan na humusga sa kapwa, e pareho lang natin sila?
Kapag nagsasabi kang nagsisinungaling ang iba, ikaw ba laging sa totoo lang? Kung malupit ang iba, ikaw ba mabuti at maawaain sa kapwa? Maaaring magreklamo ang tao tungkol sa pagkukulang ng asawa, subalit nandoon ba siya lagi para gumabay, magmahal at umunawa din? Maaaring ikasama ng loob ng anak ang ugali ng magulang, subalit mas mahal ba niya ang pamilya kaysa barkada o social media? Tama ang isang lumang paglalarawan: kapag itinuro mo ang iba, isang daliri ang nakatutok sa kanila pero tatlo ang nakatutok sa iyo.
Panginoon, bigyan mo po kami ng tunay na malasakit na ituwid at gabayan ang iba. Bigyan po din ninyo kami ng tunay na kababang-loob na ayusin muna ang sarili at iayon ang buhay namin sa iyong Salita. Amen.
Comments