IKA-PITONG LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

 


MAS MATAPANG NA PAG-IBIG

LK 6: 27-38

 

 


 

Ang pananalita ng Panginoong Hesus ngayon ay nagsisimula sa hamon ng pag-ibig. Bilang mga Kristiyano, di ba ito naman ang nais nating gawin? Ang ipagpatuloy ang pagmamahal ni Hesus sa daigdig, ang punuin ang mundo ng pag-ibig, ang magmahal hanggang masaktan ka pa.

 

Ipinagmamalaki ko ang naisipang family reunion naming magpi-pinsan nitong nakaraang Kapaskuhan. Bago ang aming handaan, una muna kaming nagpa-party para sa isandaang mga batang dukha sa kapitbahayan. Puno ng pag-ibig na naghanda ng pagkain at inumin, nagpamigay ng mga premyo, at nagpamudmod ng mga regalo sa mga batang tuwang-tuwa naman na makapag-party sa unang pagkakataon matapos ang dalawang taon ng pandemya.

 

Masarap mahalin ang mga bata at mga dukha. At ano ba naman, minsan lang naman gawin iyan. Subalit nagmumungkahi si Hesus ng isang grupo ng mga tao na dapat daw ding mahalin. Pakinggan mabuti, mahalin daw ang mga kaaway natin, mga naninira sa atin, mga nananakit sa atin, mga nangungutang na hindi nagbabayad, mga humuhusga sa atin. Lahat na yata ng mga masasamang pwedeng isipin, dapat mahalin daw ang mga ito!

 

Meron tayong tinatawag na “tough love” o matapang na pag-ibig, iyon bang pag-ibig kapag dinidisiplina natin ang iba. Pero ito yatang hamon ngayon ay “tougher love” o mas matapang na pag-ibig. Hindi ba dapat nga nating labanan o iwasan o giyerahin ang mga nananakit, nanloloko at nagdadala sa atin ng stress?

 

Unang reaksyon ko tuloy e, magrebelde at kwestyunin ang Panginoon. Sobra naman, Lord! Pero alam niyang mahirap ito. Kaya itong “mas matapang” na pag-ibig siya ang unang gumawa. Minahal ng Panginoong Hesus ang lahat ng tao. Opo, pati mga asungot na Pariseo at lider ng mga Hudyo. Minahal niya ang mga makasalanan ng lipunan at hinanap niya sila. Masaya at nalibang siyang makasalo ang mga ito sa hapag. Minahal ni Hesus si Hudas tulad ng pagturing niya sa ibang alagad. At sa krus at matapos ang Pagkabuhay, pinatawad niya at inalok ng kapayapaan ang kanyang mga kaaway.

 

May mga tao bang hirap kang mahalin ngayon? Nagdurugo ba ang puso mo sa kataksilan ng kaibigan o minamaha;? Sino ang mga nagpapahirap sa iyo at sa pamilya mo? Sa madaling sabi, may mga kaaway ka ba? Hindi madaling mahalin ang mga ito di ba? Lumapit tayo sa Panginoon at humingi ng pusong tulad sa kanya, ng “mas matapang na pag-ibig” na magpapalambot sa ating puso, magpapalawak nito at magdadala dito ng kalayaan at tagumpay sa mata ng Diyos. Amen!

 

 

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS