DAKILANG KAPISTAHAN NG KATAWAN AT DUGO NI KRISTO

 


LUNAS SA KALULUWANG NAGUGUTOM

 

 


 

Nabigla ako sa pagtapat sa gate namin ng isang kapitbahay para makipagkuwentuhan. Sa dami ng kanyang sinabi, binigyang diin niyang nawalan siya ng trabaho dahil sa lockdown. Nang bumalik ako sa bahay, napansin kong nandun pa rin siya sa gate. Tinanong ko kung may sasabihin pa o may kailangan ba siya at sabi niya wala daw. Maya-maya pa, umalis na siya.

 

Naisip kong nahihiya marahil ito na humingi ng kailangan. Nag text ako sa kanya na bumalik upang mabigyan ko ng konting pagkain. Ang bilis niyang bumalik at masayang tinanggap ang aking alok.

 

Totoo ang gutom; totoo ang kahirapan ngayong pandemya. Maraming pamilya ang pumapalya sa oras ng pagkain. Natutuwa ang mga tao kapag may nagbibigay ng libreng pagkain. Minsan nga lang, hindi tayo sensitibo sa pangangailangan ng ating kapwa.

 

Si Hesus ay sobrang babad sa situwasyon ng kapwa. Alam niya nang nagutom ang mga tao kaya pinakain niya sila. Batid din niya ang mas malalim na gutom at uhaw na espirituwal ng mga tao kaya ibinigay niya ang kanyang Katawan at Dugo upang maging pinakamainam na sustansya para sa kanilang kaluluwa. Ito ang tunay na magtataguyod at magpapalakas sa atin.

 

Totoo ang gutom at kailangan nating tumulong sa nangangailangan ngayon. Subalit mas matindi ang gutom at uhaw na espirituwal dahil kaydaming nalulunod sa takot, siphayo, pagkalugmok,  kalungkutan, kasalanan at depresyon ngayon. Itinatag ng Panginoong Hesus ang sakramento ng Eukaristiya upang pakanin ang kaluluwang naghahanap ng sustansya; upang suportahan ang taong naghahangad ng lakas at tapang.

 

Nagsisimba tayo pag Linggo upang tanggapin ang kaloob na Katawan at Dugo ng Panginoon na siyang pagkain at inuming espirituwal natin. Sabi ng mga unang Kristiyano, “Kapag walang Linggo, hindi tayo mabubuhay.” Lalong totoo ito ngayon. Hindi tayo lahat makapagsimba pa; at ang Misa sa tv o online ay naglalayo sa atin sa karanasan ng pagtanggap ng Komunyon tulad dati. Para sa mga nakakasimba na, napakalaking biyaya ang Komunyon. Para sa mga hindi pa makadalo sa simbahan, ang panalanging “spiritual communion” ay nagsisilbing inspirasyon at pag-asa na balang araw, makatatanggap uli ng Komunyon.

 

Pasalamatan natin ang Panginoon para sa dakilang sakramentong ito. Ihanda natin ang puso sa pagtanggap kay Hesus sa Komunyon kung tayo ay makakasimba man. At magtiwala tayong higit sa Panginoon kung hindi pa natin ito magagawa. Isang araw, magiging posible na din ito at kaya naman, gawin natin na ang ating paghihintay ay maging isang mabuting paghahanda para sa dakilang pakikipagtagpo sa kanya.

 

 

 

 

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS