IKA-12 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B

 


PERO BAKIT? 

Mk 4: 35-41

 

 


 

Ang hirap ng paksa ngayon – pagdurusa! Sinabi ng Diyos kay Job (Job 38) na ang dahilan ng paghihirap ay lampas sa katalinuhan ng tao. Lahat tayo dumadanas ng hirap. Pilit nating nilulutas ang pagdurusa. Pero patuloy itong nagaganap. At kahit sumigaw tayo ng “Bakit?” walang tugon na matatanggap.

 

Ang ilang sanhi ng pagdurusa ay madaling makita: kapabayaan, kadamutan, kayabangan, katamaran, o mga kalamidad ng kalikasan. Pero may ilang pagdurusa na ang hirap unawain, tulad ng bakit nagdurusa ang mga walang malay, o bakit walang tigil ang dating ng pagsubok sa buhay, o bakit kahit ano ang gawin natin ay dumarating ang pagbagsak at pagkalugmok natin. Hindi maiwasang magtanong ng “bakit” dahil ito ang tanong na naghahanap ng kasagutan.

 

Ayon sa pananampalataya, may hiwaga ng kasamaan, hiwaga ng pagdurusa o “mysterium iniquitatis.” Ang pagdurusa ba ay dumarating para tayo linisin, parusahan, hamunin, takutin, o panghinaan ng loob? Lahat ito nagagawa ng pagdurusa pero hindi tayo sigurado kung ito talaga ang pakay nito. Misteryo ito na tanging ang Diyos lamang ang makapagbubunyag sa taong masidhing naghahanap ng tugon.

 

Hinarap ni Hesus ang pagdurusa sa anyo ng mga alon na bumabahala sa bangkang sinasakyan niya at ng mga alagad (Mk 4). Takot ang mga alagad na malunod, maanod, at mamatay. Nakalimot sila sa isang bagay: kasama nila si Hesus. Hindi sila iniwanan o pinabayaan. Kaylapit ng Diyos pero bakit sa takot sila bumaling? Ang payo ng Panginoon sa kanila ay humawak sa isa pang hiwaga, ang hiwaga ng pananampalataya, ang “mysterium fidei.” “Bakit kayo natatakot? Nasaan ang inyong pananampalataya?”

 

Mahirap magdusa. Naranasan ko na ito maraming beses at sa maraming paraan. Subalit kung darating ang hiwaga ng pagdurusa, mas tutok ba tayo dito kaysa hiwaga ng pananampalataya? Walang malinaw na tugon sa kung bakit may paghihirap sa buhay subalit may malinaw na dahilan para umasa na hindi nawawala si Hesus kundi napakalapit niya sa atin kapag nagdurusa tayo. Huwag kalimutan ang krus. Kung ang atensyon natin ay nakabaling sa pananampalataya kaysa kasamaan o paghihirap na nagaganap, makikita natin ang maliliit na bagay na magpapaalala sa atin ng pagmamahal ng Diyos at magpapalakas sa atin sa pagharap sa mga hamon nitong buhay.

 

Panginoon, ang buhay ay batbat ng pasakit, subalit sa iyo ako kumakapit, sa misteryo ng pananampalataya, na siyang tumitiyak sa akin na lagi kang kapiling at hindi mo ako pinababayaan kaylanman. Amen.

 

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS