IKA-11 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B

 


ANG DIYOS AY PLANTITO

MK 4: 26-34

 


 

 

Kapwa unang pagbasa (Ezek 17) at ang Mabuting Balita (Mk 4) ang nag-udyok sa akin na isipin ang Diyos bilang isang plantito (tawag sa mga biglang naging plant-lovers nitong pandemic). Dahil sa pagkabagot, ang mga Pinoy ay bumaling sa paghahalaman - bagong libangan – at naging plantito at plantita. Dito natuklasan nating masarap palang mag relax habang nag-aalaga ng kalikasan at pinahahalagahan ang kagandahan nito lalo na sa sariling bakuran.

 

Sabi ni Ezekiel, ang Diyos ay isang plantito na pumitas ng isang sanga, itinanim ito at pinayabong sa isang malaking puno. May green thumb pala ang Diyos! Ang Panginoong Hesus naman ay nagkuwento ng mga talinghaga tungkol sa mga halamang mahiwagang tumutubo kahit sa pagtulog ng magsasaka. Ang Diyos ang nagbibigay buhay sa mga halaman at sa buong nilikha niya.

 

Palagay ko, dalawa ang aral mula sa Kasulatan ngayon. Una, ang paanyaya na pahalagahan ang kalikasan at ayusin ang gampanin natin dito. Dahil sa pandemya, naunawaan nating tayo ay hindi dapat taga-wasak kundi tagapag-alaga ng kapaligiran. Ang ating pandama ay dapat magtaas ng isip at puso sa Diyos. Kung makikita natin ang mga halaman, puno, bulaklak o damo man, ito dapat ay magdulot sa ating purihin ang Panginoon na tagapagbigay ng buhay – ng oxygen, pagkain, palamuti, lilim, at proteksyon sa ating buhay sa pamamagitan ng mga natural na bagay.

 

Sa matagal na panahon, itinuring nating kagamitan na lalaspagin lamang ang kalikasan. Ngayon nakikita na nating gusto ng Diyos na ituring nating ka-partner ang kalikasan sa pagkakamit ng ating layunin na kagalakan, kapayapaan at kaunlaran.

 

Ikalawa, nariyan ang paalala na pahalagahan ang sangnilikha, lalo na ang kapwa tao. Kung sa halaman, kaya nating maging matiyaga, mapagpasensya, malikhain, mapagmalasakit at maunawain, paano hindi magagawang maging ganito din ang ating pagturing sa ating mga kapatid? Baka kinakantahan natin ang mga halaman pero binubulyawan naman ang mga kasama sa bahay at minumura ang kapitbahay!

 

Inilalarawan ng Panginoong Hesus ang Diyos bilang isang magsasaka o maghahalaman upang ipakita kung gaano siya kasidhing namumuhunan sa ating buhay. Bilang pagganti, ipakita naman natin ang ganito ding kabutihan sa kalikasan sa ating mundo at sa mga taong nakapalibot sa atin araw-araw.

 

Alagaan ang kalikasan; ang kapwa naman ay pagmalasakitan!

 

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS