IKA-13 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B
BASTA MANALIG LANG…
Noong isang araw, sa kwentuhan ay naitanong ng isang kaibigan ang dahilan at pinagmumulan ng pagdurusa ng mga tao lalo na sa gitna ng pandemyang ito. Nasabi kong hindi kalooban ng Diyos ang paghihirap ng tao. Umayon naman siya. At mismong ang unang pagbasa ang nagtuturo nito: Ang kamatayan ay hindi likha ng Diyos, ang pagkamatay ng alinmang may buhay ay hindi niya ikinalulugod (Karunungan 1).
Ito ay bagamat kita din nating pinapayagan ng Diyos na dumaan ang tao sa mga pagsubok sa buhay. Ang panahon natin ay patunay nito dahil maraming tao, kasama tayo, ay dumaranas ng hirap, sakit, kawalan at dusa. Malaki ang epekto sa lahat, at hindi lang pinansyal kundi sa personal, pamilya, ugnayan, kalusugan at maging sa esprirituwal na paraan.
At dahil nga pinapayagan ng Diyos ang pagdurusa, kaydami din tuloy na nag-iisip at nagtatanong kung talaga nga bang nagmamalasakit o nagmamahal sa atin ang Panginoon. Sa Mabuting Balita (Mk 5) isang tao ang humiling na pagalingin ni Hesus ang kanyang dalagitang anak subalit bago pa man makarating ang Panginoon, namatay na ito. Palagay ko sobrang nawasak ang pag-asa ng taong ito. Kaylapit na ng himala e bakit hindi pa umabot ito!
Ito lamang ang namutawi sa labi ng Panginoon: “Huwag kang mabagabag, manalig ka.” At sa harap ng kanyang mga magulang, muling binuhay ni Hesus ang dalagita. Sobrang namangha ang lahat ng nakasaksi na maging ang mismong salitang Ebreo na ginamit ng Panginoon ay naalala nila: “Talita kumi” (Ineng, sinasabi ko sa iyo, magbangon ka!).
Hindi nagbubunyi ang Diyos sa gitna ng hilahil ng mga tao subalit kapag pinayagan niya itong maganap, nais niyang manatili tayong matatag – huwag mabagabag – at kumapit lamang sa kanya – manalig ka.
Minsan dahil dito makikita natin ang himala; minsan naman, ibubunyag pa ng Panginoon ang kanyang kalooban sa ibang paraan, na mauunawaan lamang natin sa lumaon sa pamamagitan ng liwanag ng pananampalataya at tatag ng tiwala natin sa kanya. Maaring hindi mo maunawaan ngayon pero sa tamang panahon, magkakalinaw ang lahat.
Dumadaan ka ba sa pagsubok ngayon? May mahal ka ba sa buhay na nagdurusa o nanganganib? Pakinggan si Hesus at buong pusong tumalima sa kanyang mga salita: “Huwag kang mabagabag, manalig ka!”
Comments