IKA-29 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K
NAGHIHINTAY SA KANYANG KATARUNGAN
LK 18: 1-8
Malapit nang ma-promote ang kaibigan ko sa kanyang kumpanya. Pero bigla na lang nag-report ng mga pangit na bagay laban sa kanya ang sarili niyang boss. Hindi dahil may mali siyang ginagawa kundi dahil sa inggit at insecurity ng kanyang boss.
Pinili ng kaibigan ko na huwag umupa ng abogado. Sa halip, hinarap niya ang mga paratang mag-isa, taglay ang malinis niyang record sa trabaho nang matagal na panahon. Paniwala niya, ang Diyos mismo ang siyang tutulong sa kanya dahil malinis ang kanyang konsiyensya.
Katarungan ang tinutukoy ng Panginoong Hesus sa ating ebanghelyo ngayon. Sinasabi niyang mabilis na igagawad ng Diyos ang katarungan sa mga taong nagtitiwala sa kanya. Pero dito sa ating mundo, bakit kaya ang daming halimbawa ng hindi pantay na pagtrato at ng panunupil sa mga mahihina at mga dukha?
Sa mundo ngayon, kung di man wala, e matumal ang katarungan lalo na kapag wala kang kilala, walang pera o walang impluwensya na maipagmamalaki. Sa ebanghelyo, iginawad ng hukom ang isang tamang pasya dahil sa kakulitan ng isang babae at upang magkaroon siya ng kapayapaan ng isip. Para sa maraming tao ngayon, ang katarungan ay mabagal, at sabi nga nila, kapag binabagalan, katumbas na ito ng pinagkakaitan.
Ang Diyos lamang ang tunay na makatarungan sa lahat. Ang katarungan niya ay hindi paghihiganti o karahasan o pananakot. Ayon sa Bibliya ang katarungan ng Diyos ay ang kanyang awa at habag. Inaayos niya ang mga tao. Itinutuwid niya ang nawasak. Binabago ang mga puso. Pinanariwa ang sangnilikha sa tulong ng pagmamahal. Sabi ng Mahal na Birheng Maria sa kanyang Magnificat: itinataas niya ang mga mababa… binubusog ang mga nagugutom… tinutulungan ang mga aba at api sa kanyang bayan.
Maraming beses, ang katarungan sa mundo ay mabagal, ipinagkakait, at binabaligtad. Subalit mayroong dakilang katarungan (divine justice). Kailangan lang itong hintayin at kapag dumating ito, mas matamis ito sa lahat ng bagay. Ito ang kamay ng mahabaging Diyos na nag-aayos ng sinira ng kamalian at kasalanan. Ito ang katarungan na nais ng Panginoong Hesus na huwag natin pagsawaang ipagdasal at hintayin sa ating buhay. Kapit lang! Tiwala pa more!
Comments