KAPAYAPAAN NG ISIP AT PUSO SERIES: PART 5

 


 

TEMA 5: 

TIWALA AT “OPO” SA KALOOBAN NG DIYOS, MGA KONDISYON NG KAPAYAPAAN


 

 


PANALANGIN

 

Umayos tayo sa ating pagkaka-upo at ituong ang pansin sa oras na ito ng pagninilay at huminga nang dahan-dahan. Buong paniniwala nating isipin na nakatitig sa atin ang Diyos, ang Ama na laging nagmamahal sa atin. Anyayahan natin siya sa ating puso. Damahin natin sandali ang kanyang presensya.

 

Sa ngalan ng Ama…

 

O Espiritu Santo, ikaw ang liwanag, ang mang-aaliw, halina at maging gabay ko sa sandali ng pagninilay at panalangin para sa kapayapaan. Ipadama mo po sa akin ang ganda at lalim ng iyon pagmamahal. Halina, Panginoon, at itatag mo sa aking puso ang kapayapaan at gawin mo akong kasangkapan sa pagpapalaganap nito sa aking paligid. Amen.

 


REFLECTION 5

 

Nais natin ng kapayapaan, pero ano nga ba ang mahalagang saligan sa pagkakamit ng kapayapaan? Ano ang kondisyon para magkaroon nito?

 

Dalawang magka-ugnay na elementong hindi maaaring paghiwalayin ang masasabing batayan ng kapayapaan.

 

Ang una ay pagtitiwala, lubos na tiwala sa awa ng Diyos at sa kanyang katapatan. Hindi laging madali na isabuhay ng tiwalang ito. Hindi palagi kung maramdaman natin ang patunay ng pagmamahal ng Diyos, at sa buhay, maraming pagkakataon na dama natin ng mabigat na pasakit ng paghihirap at ng pagkabigo.

 

Subalit kinakailangan ang tiwala. At kahit pa dalhin tayo ng Diyos sa mga landas na hindi natin nais marating, hindi niya sinisira ang ating pagtitiwala. Sabi nga ni San Pablo sa Romans 5:5 (Hindi tayo binibigo ng pag-asa).

 

Ang pangunahing kaaway ng kapayapaan ay hindi ang mga panlabas na kalagayan o ang mga pananawa ng ibang tao, kundi ang ating pagkukulang sa pananampalataya at tiwala sa Diyos na nagdudulot sa atin na mapawi ang ating katiyakan na makagagawa ng Diyos ng kabutihan mula sa anumang bagay, na hinding-hindi niya tayo iiwanan.

 

Kung talagang may pananampalataya tayo, anumang mahirap pangyayari sa ating buhay ay hindi makagagambala sa ating kapayapaan. Kahit gabundok man ang mga alalahanin, madali lang itong matunaw sa gitna ng dagat.

 

Ang ikalawang batayan ng kapayapaan ng puso ay ang pagsasabi sa Diyos ng “opo” na walang atubili, ang kumpletong pagbubukas ng puso sa kanya at ang buong pagpapasya na huwag tanggihan ang anumang mula sa kanya. Hindi nangangahulugan nito na dapat agad tayong maging perpekto o ganap; natural na imposible iyan.

 

Subalit, iyong pahinutulutang lubos ang Diyos na makapasok sa ating buhay at akayin tayo sa kung saan niya naisin.

 

Ang hangarin ang anuman ang kalooban ng Diyos sa lahat ng bagay ay hindi laging madali. Madalas tayong sinasalakay ng takot, dahil nga kulang tayo sa pananampalataya ang tiwala. Hindi tayo sapat na naniniwalang gusto ng Diyos ang ating kaligayahan.

 

Minsan, may matindi tayong sindak na ipagkatiwalang lubos ang sarili sa Diyos dahil hindi natin alam kung saan ito hahantong, at mas mamarapatin pa nating manatiling panginoon ng ating tadhana, para makatiyak lamang na masusunod ang ating mga naisin.

 

Subalit ito ay masamang tantiya. Hindi naman talaga natin alam kung ano ang mabuti para sa atin. Tanging Diyos lang ang may alam niyan. Mas mainam kung magtitiwala tayo sa kanya at ilalagay sa kanyang mga kamay ang ating sarili.

 

Pansinin lamang ang isang bagay na ito: anumang hindi nagmula sa Diyos ay tiyak na magiging sanhi ng pagkabagabag sa lalong madaling panahon.

 

Maiiwan tayo na kailangang mag-asikaso nito, gamit ang ating sariling kakayanan, ang sariling liwanag, at sa huli, magdudulot sa atin ng katakut-takot na pag-aalala.

 

Ang kabaligtaran naman, kung ibibigay natin sa Diyos ang lahat, magiging malaya tayo sa mabigat na pasanin na ayusin lahat ng bagay sa ganang ating sarili lamang. Ang Diyos ang siyang bahala sa lahat; at mas magagawa niya ang lalong mabuti kaysa atin.

 

Paalalahanan natin ang ating sarili ng magagandang salita ni Hesus sa MT. 11: 28-30:

 

“Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at lubhang nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo'y bibigyan ko ng kapahingahan.  Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo sa akin sapagkat ako'y maamo at may mababang loob. Makakatagpo kayo sa akin ng kapahingahan  sapagkat madaling dalhin ang aking pamatok at magaan ang pasaning ibibigay ko sa inyo.”

 

Magaan at simple ang buhay kapag ipinagkatiwala natin ang lahat ng bagay sa Diyos.

 

Kung hahanapin natin lagi ang Diyos lamang, lagi tayong mapapayapa. Samantala, ang mga naghahanap sa sarili nila, ang mga nagnanais na pamahalaan at kontrolin ang kanilang buhay na mag-isa, ay batbat ng mabibigat na pasanin. Isa sa mga malalaking kaaway ng kapayapaan ng puso ay ang pagkapit sa ating mga sariling kaisipan at sariling kalooban. Ang kabaligtaran ang totoo: ang pagkalas sa mga bagay, ang humulagpos sa mga ito, ang bukal ng kapayapaan.

 

Siyempre mayroon tayong karapatang magnais at magnasa ng mga bagay, subalit dapat taglayin ang konting kalayaan ng puso, na hindi mababagabag kung hindi man masunod ang ninanais.

 

Ang paghulagpos, pagkalas, na ito ay batay sa tiwala. Mas batid ng Diyos ang anumang makapagpapalago sa atin, at nais niyang lumigaya tayo higit pa sa ating inaasahan.

 

Mas malaki ang tiwala sa Diyos, mas magiging malaya, mas magiging payapa tayo.

 

GRACE

 

Ano ang biyayang dapat nating hilingin? Humingi tayo ng biyaya na magkaroon ng ibayong tiwala sa kanyang pagmamahal, upang lalo tayong makapagpasya na magsabi ng “opo” sa Diyos.

 

 


MULA SA MGA SAKSI:

 

Naisulat ni Santa Maria ng Incarnacion, OSU: Kung masisilip lang ng ating puso, makikita ang pagka-bukas palad at awa ng mga plano ng Diyos sa bawat isa, maging doon sa masasabing kahihiyan, pasakit, o pagdurusa, magiging lubha ang kaligayahan na ihahagis natin ang ating sarili sa mga bisig ng Dakilang Kalooban ng Diyos tulad ng isang bata na yumayakap sa kanyang ina. Kikilos tayo sa lahat ng bagay, na kalakip ang hangarin na maging kalugud-lugod sa Diyos. At mapapahinga tayo, batid na ang Diyos ang ating Ama, at nais niya ang ating kaligtasan nang higit pa sa ating pag-aasam dito.

 


ANG SALITA

 

Baunin natin sa mga darating na araw ang mga salita ng Panginoon sa mabuting balita ni San Mateo 11: 28-30:

 

“Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at lubhang nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo'y bibigyan ko ng kapahingahan.  Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo sa akin sapagkat ako'y maamo at may mababang loob. Makakatagpo kayo sa akin ng kapahingahan  sapagkat madaling dalhin ang aking pamatok at magaan ang pasaning ibibigay ko sa inyo.”

 

 

MANTRA:

 

Sa maghapong ito, ulit-ulitin natin ang mga salitang:

 

Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo sa akin sapagkat ako'y maamo at may mababang loob. Makakatagpo kayo sa akin ng kapahingahan  sapagkat madaling dalhin ang aking pamatok at magaan ang pasaning ibibigay ko sa inyo.”

 

(salamat sa inspirasyon ni Fr Jacques Philippe)

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS