IKA-30 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K
NAKIKITA MO BA ANG IYONG KAPALPAKAN?
LK 18: 9-14
May nakausap akong babae na panay ang reklamo sa kanyang kapatid – bugnutin daw, madaya at masama ang ugali. Nabanggit din niya ang kanyang asawa – taksil daw, iresponsable at tamad. Ang nakagugulat, ayon sa babaeng ito, mas higit siya sa mga taong inirereklamo niya – mabait, mapagbigay, mabuting tao, at wala daw siyang maisip na masamang ginagawa niya. Naisip ko tuloy: ang kausap ko yata ay santa sa lupang ibabaw!
Sa mabuting balita, ipinakikita sa atin ang nagaganap kapag nakita natin ang kasamaan ng iba pero hindi ang ating kamalian. Nagiging mayabang tayo habang minamaliit ang kapwa. Mas masama pa, nagsisinungaling tayo sa Diyos dahil akala natin hindi nasisilip ng Diyos ang ating puso. Ang Pariseo ay tuwang tuwa sa magandang imahen ng kanyang sarili, at akala niya hanga sa kanya ang Panginoon. Sa totoo lang, kabaligtaran ang nangyari.
Ipinakikita din kung ano ang nagaganap kapag makatotohanan tayo sa ating kahinaan. Kapag mulat ka sa iyong kapalpakan, alam mong malayo kang maging perpekto. Hindi ka naman masama, pero hindi ka din ligtas sa kahinaan at pagkakamali tulad ng iba. Sa pag-unawa sa iyong mga limitasyon, hindi ka naglulublob sa awa sa sarili o pagtatago, kundi malaya mong naibubukas ang puso sa tunay na makahihilom ng bawat kamalian at kasalanan. Ang pagka-alam at pagtanggap sa kapalpakan ay tulay tungo sa kapakumbabaan.
Sabi ng Panginoon Hesus ang publikano o tax collector ay umuwing kinalulugdan ng Diyos. Hindi siya itinatanging miyembro ng lipunan. Kolaboreytor siya ng mga Romanong manlulupig noon. Nangongolekta siya ng buwis at nangongotong din sa mga tao. Pinayayaman niya ang kaban ng bayan, pero gayundin ang sariling bulsa. Ang publikano ay taksil, kawatan, at huwad.
Subalit sa katahimikan ng panalangin, ang tax collector ay tunay na hinipo ng biyaya. Bukas ang puso niya sa Diyos na kumakatok upang linisin ang kasamaan at palitan ito ng liwanag. Kaya niyang lokohin ang mga tao. Kaya niyang linlangin pati ang sarili. Subalit alam niyang hindi niya maililigaw ang Diyos. Walang mahihita sa pagtatago ng katotohanan mula sa mata ng lubhang maawain at marunong na Diyos.
Lahat tayo’y natutukso na punahin ang mali sa iba at pagtakpan ang ating sariling pagkukulang. Mahirap kasing tanggapin na ang pangit sa iba ay nandito din sa ating puso. Patuloy tayong manalangin na matapang na tanggapin ang ating kapalpakan at tanggapin ang awa ng Panginoon.
Comments