IKA-33 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

 


PANALANGIN PARA SA INUUSIG

LK 21; 5-19

 


 

 

Ang pagpupunyagi (pagtitiis) ay bahagi ng bokabularyo ng pananampalataya. Dapat magpunyagi ang mga madre sa kanilang bokasyon; magpunyagi din ang mga katekista sa pagtuturo. At sa ebanghelyo, sabi ni Panginoong Hesus: sa inyong pagtitiis maililigtas ninyo ang inyong buhay. Kaya ang kahulugan pala nito ay tuloy-tuloy, walang patid, at matiyagang pagtahak sa landas at pagsunod sa kalooban ni Kristo sa gitna ng paghihirap. Ang hamon ng pagpupunyagi ay para sa ating lahat.

 

Sa ebanghelyo isang kakaibang pagpupunyagi ang isinasalarawan sa tagpo ng tinatawag na pag-uusig. Maging ngayon, maraming Kristiyano sa ibang bansa ang inuusig dahil sa kanilang paniniwala o pagsasabuhay ng pananampalataya. Ang hirap nating maunawaan ito dahil hindi ito realidad sa ating lipunan. Sa kabila ng pagkamuhi ng dating pangulo sa mga lider simbahan at lingkod simbahan na nakikibaka para sa mga mahihirap, walang naganap na laganap na pagtuligsa sa mga Katolikong lider o mananampalataya man.

 

Panatag ang ating buhay dito subalit dapat maging mulat din tayong may pag-uusig na nagaganap sa ibang lugar. Sa Nigeria, nariyan ang kidnap at murder ng mga pari, ang kidnap, rape at pang-aalipin sa mga Krisityanong batang babae. Sa Hongkong at China, ang mga Katolikong suporter ng demokrasya ay arestado, nakakulong o nililitis sa krimen daw laban sa bayan. Sa Nicaragua, kung saan kritiko ang simbahan sa korap na gobyerno, maraming simbahan ang sinira, mga obispo, pari at seminarista na binantaan ang buhay, dinakip at ikinulong. Pati ang Missionaries of Charity ni Mother Teresa na tahimik naglilingkod sa pinakamahihirap na tao doon ay ipina-deport.

 

Pinalalakas ng Panginoong Hesus ang loob ng mga inuusig dahil sa paglilingkod sa kanya. Palibot man ng panganib, wala silang dapat ikatakot dahil ang buhay nila ay nasa kamay ng Diyos. Subalit ano naman ang ating gampanin para sa kanila? Ano ang tugon natin sa paghihirap na dinaranas ng mga inuusig nating kapanalig sa pananampalataya?

 

Una, ipagdasal sila. Malaya tayong isabuhay ang ating karapatang pang-relihyon kaya dapat maalala nating ipagdasal iyong mga pinagkaitan. Ang panalangin natin ay munting pakikibahagi sa kanilang sakripisyo. Pagkatapos, magnilay tayo sa sarili natin. Nagpupunyagi ba tayo sa pagsunod sa Panginoon sa gitna ng maliliit na aberya, sigalot o problemang dumarating sa atin? O madali ba nating ikompromiso ang pananampalataya kung may nagaganap na hindi maganda?

 

Ipinapanalangin natin ang wakas ng pag-uusig sa mga Kristiyano at iba pang minoridad. Nangangako tayong susuporta at patuloy na aalala sa kanilang kalbaryo. Humihingi tayo sa Diyos ng diwa ng tapat at pagtitiis sa pagpapahalaga at pagsasabuhay ng ebanghelyo.


 

 

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS