UNANG LINGGO NG ADBIYENTO A

 


HIGIT PA KAY JOEMARI CHAN

MT 24; 37-44

 


 

Nakasanayan na nating hintayin ang tinig ng singer na si Joemari Chan tuwing Setyembre. Pangalan pa lang e nagpapaalala na sa awit na Christmas in our Hearts! Setyembre daw kasi ang hudyat ng Pasko sa ating bansa, kung saan marami talaga ang nananabik dito taun-taon.

 

Pero napansin ko lang, tila hindi masyadong lulong ang mga tao sa “spirit of Christmas” ngayon tulad ng mga negosyo, malalaking mall, at mga mayayamang handang mamili at gumasta. Sabi ng iba, paano masasabik e wala naman pera; ayon sa iba, ang Pasko ay para sa mayayaman lang.

 

Paano nga ba natin ipagdriwang ang Adbiyento bilang mga Kristiyano na hiwalay sa mga promo, sales, at bargains? Paano makamtan ng tamang pananaw sa pagdating ng Panginoon, hindi lang sa Pasko, kundi sa ating buhay bawat sandali?

 

Una, nariyan ang paghahandang liturhikal: ibig sabihin, sa Linggo, may mapapansing kakaiba sa simbahan. Ang matingkad na kulay ay lila o violet, paalala ng sakripisyong kailangan upang masalubong sa puso ang Panginoon. Ang mga pagbasa sa Misa ay nagsasaad ng pagiging handa, ng pagbabalik-loob, at ng masayang pagtanggap sa pagdalaw ng Panginoon, na dumarating sa gitna ng mga pagsubok ng buhay.

 

Ikalawa, mayroon tayong paghahandang espirituwal. Maghahandog ng pagkakataong magnilay sa tulong ng rekoleksyon, panayam, o pangaral. Ito ang makatutulong upang maunawaan nating kailangan ang huminto sandali at namnamin ang kabutihan ng Panginoon, ang katotohanan ng kanyang pangako, at katapatan ng kanyang pag-ibig. Magiging tulay ito sa malalim na pakikipagtagpo sa Panginoon sa panalangin at upang matuklasan na ang kahulugan ng panahong ito ay hindi pagpa-party, pag-gasta, pagtatamasa, kundi paglago sa pagmamahal at paglilingkod.

 

Sa huli, nandiyan din ang paghahandang pampamayanan. Ang aspektong komersyal ng Pasko ang nagtutulak na isipin lang natin ang ating sarili at ang ating munting grupo ng pamilya at kaibigan. Ang pagdating ng Panginoon ay malaking hamon upang kumawala sa kasakiman tungo sa kalayaang magbahagi at magbigay. Tulad ni Hesus, kaya nating maghandog, hindi ng materyal lamang, kundi ng galak, kapayapaan, pagpapatawad, at paglingap sa kapwa, lalo na sa mga mahihirap.

 

Salamat Joemari Chan sa iyong awit ha!... Higit sa lahat, Salamat po, Panginoon sa pagkakataong makaulayaw kang muli sa liturhiya, espiritualidad at pamayanang aspekto ng Adbiyento. Amen.

 

(A Friendly Request: will you please click the "follow" button on the "Followers" section of this blog? it will be a great help to boost the blog. thank you for your kindness. God bless!)

 

 

 

Comments

ma kikz said…
Salamat po sa maganda at makabuluhang pagninilay
. Ingatan po kayo ng Diyos.
ma kikz said…
Salamat po sa maganda at makabuluhang pagninilay
. Ingatan po kayo ng Diyos.

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS