KAPAYAPAAN NG ISIP AT PUSO: PART 8

 


 

TEMA 8: MAKATATAGPO NG KAPAYAPAAN KUNG TATANGGAPIN ANG SITUWASYON NG BUHAY


 

 

PANALANGIN

 

Umayos tayo sa ating pagkaka-upo at ituong ang pansin sa oras na ito ng pagninilay at huminga nang dahan-dahan. Buong paniniwala nating isipin na nakatitig sa atin ang Diyos, ang Ama na laging nagmamahal sa atin. Anyayahan natin siya sa ating puso. Damahin natin sandali ang kanyang presensya.

 

Sa ngalan ng Ama…

 

O Espiritu Santo, ikaw ang liwanag, ang mang-aaliw, halina at maging gabay ko sa sandali ng pagninilay at panalangin para sa kapayapaan. Ipadama mo po sa akin ang ganda at lalim ng iyon pagmamahal. Halina, Panginoon, at itatag mo sa aking puso ang kapayapaan at gawin mo akong kasangkapan sa pagpapalaganap nito sa aking paligid. Amen.

 

REFLECTION 8

 

Medyo mahirap talagang isagawa ang kondisyong ito ng pagkakaroon ng kapayapaan – at iyan ay ang pagsasabi ng “opo” sa lahat ng mga nagaganap sa ating buhay, na kalakip ang mga mabubuti at  kaaya-ayang bagay, pati na ang mga balakid at mga paghihirap na maaaring kinahaharap natin. Maaaring magulat tayo dito sapagkat hindi tayo sanay sa ganito sa ating karaniwang pang-unawa. Mas gusto natin kung tayo ang magiging panginoon ng lahat ng bagay at kung mahuhubog natin ang lahat ayon sa ating kagustuhan!

 

Itong pananaw ng pagtanggap ay nangangailangan ng malaking pananampalataya: Dapat manalig, na sa huli, lahat ng bagay ay nasa kamay ng Diyos, na maging ang mga bagay na tila negatibo sa atin ay maaaring maging positibo.

 

Ito ang paanyaya sa atin ng Salita ng Diyos. Sa aklat ni Job 2:10, sinasabi: “Pagpapala lang ba ang tatanggapin mo sa Diyos? Hindi ba natin tatanggapin kung bigyan niya tayo ng pagdurusa?”

 

Mula naman sa Sulat ni Santiago Apostol 1:2, narito: “Mga kapatid, magalak kayo kapag kayo'y dumaranas ng iba't ibang uri ng pagsubok.”

 

Upang makasumpong ng kapayapaan, dapat nating tanggapin nang may pananampalataya ang lahat ng bagay na nagaganap sa ating buhay: mga kagalakan at maging mga suliranin. Natural hindi ibig sabihin na wala lang tayong gagawin, na magiging passive lamang. Dapat nating sikaping alisin hanggat maaari ang mga paghihirap at kasamaang narito sa daigdig. Subalit alam din nating anuman ang ating pagsisikap, kaydami pa ring mga kapighatiang wala tayong kapangyarihang bigyan ng lunas. Kaya, ano ang gagawin? Mag-aalsa? Mabibigo? Masisiphayo? Hindi, subalit isuko ang sarili na may pagtitiwala sa kamay ng Diyos habang tinatanggap ang anumang mga pangyayari, kahit hindi ito ang ating pinangarap.

 

Ang pagtanggap nang may pananampalataya ay hindi pagsuko lamang sa mga pangyayari, o ang pagsasabing lahat ng nagaganap ay kalooban ng Diyos. Kaydaming mga pangyayaring hindi ninanais ng Diyos. Kung sa mahiwagang paraan, pinapahintulutan ito ng Diyos, ito ay dahil makahahango siya ng mabuti mula sa mga ito. Diyan natin makikita nabubunyag ang karunungan at lakas ng Panginoon. Kaya ng Diyos na humugot ng mabuti mula sa anumang masama. Walang patunay nito batay sa siyensya, subalit ang paanyaya ay isang kilos ng pananampalataya, isang lukso ng pananampalataya na hindi tayo laging sanay.

 

Subalit itong uri ng pananampalatayang ito na tila nakababaliw ang hinihingi ng Panginoong Hesus sa atin sa mabuting balita. Naaalala ba natin na sinasabi niya: Huwag kayong matakot… Huwag kayong masindak sa tao… Huwag kayong mabahala sa anuman… Sa mundo, may mga pagsubok, subalit matuwa kayo, napagtagumpayan ko na ang mundo.

 

Ayon kay San Pablo, bilang pagsuporta sa mga salita ng Panginoon: Alam nating sa lahat ng bagay ay gumagawa ang Diyos para sa mabuti kasama ang mga nagmamahal sa kanya (Rom 8:28).

 

Kung hindi natin taglay ang ganitong pananaw, lagi tayong makikipagdigma sa buhay, laging magiging galit, bigo, malungkot, at siphayo sa tuwing ang mga bagay ay hindi magaganap ayon sa ating inaasahan, at hindi tayo magkakamit ng kapayapaan. Itong pagtanggap sa katotohanan, sa ating mga pakikibahagi sa krus at ang pagsalungat dito, ang siyang pagmumulan ng ating kapayapaan. Kapag tinanggap natin ang pagsubok, kapag tinanggap ang kalis ng pagdurusa sa halip na itulak ito papalayo, ang dulo nito ay kapayapaan. Pati tayo ay magugulat.

 

Kung magiging ganito tayo, na may tunay na pananampalataya sa katapatan ng Diyos, mararanasan natin kung paano ang mga pagsubok at kapighatian ay naging positibo sa huli. Ang mga gulo sa buhay ay higit na nagpapakilala sa atin ng ating sarili, ng ating karukhaan, at ng pangangailangang itapon ang mga ilusyon at pagkamakitid ng isip.

 

Binabago ng pagsubok ang ating pananaw sa ating sarili, sa buhay, at sa kapwa. Kung tatanggapin nang may pananampalataya, magdadala ito sa malalim na pagbabagong buhay na sa huli ay mabubunyag bilang mabuti at makatutulong sa atin. Natutulungan tayo nitong makita sa kongkretong paraan kung gaano katapat ang Diyos, kung gaano siya mahabagin, at kung gaano siya matagumpay na gawing mabuti ang lahat ng bagay.

 

GRACE

 

Ano ang biyayang dapat nating hilingin? Anong bagay ba ang pinakahirap kong tanggapin sa buhay ko ngayon? Panginoon, punuin mo po ako ng pananampalataya na kapag tinanggap ko ang lahat ng bagay, ang katotohanan ng mga ito, gagawa ka ng mabuti maging sa liku-liko at baku-bakong mga landas at pangyayari.

 

 

MULA SA MGA SAKSI:

 

Naisulat ni Fr Jerome: Mabuhay tayo sa kapayapaan at huwag mabahala sa mga bagay na tila hindi nais ng Diyos para sa atin. Ang matutong maghintay ng matagal para sa mga dakilang kaloob o ng pagluwag sa mga pasanin, at mabuhay nang mapayapa, ang layunin ng mga layunin dahil ito ay pananaw ng tunay na anak ng Diyos. Lahat ay humahantong sa kabutihan sa sinumang nagmamahal sa Diyos.

 

 

 

ANG SALITA

 

Baunin natin sa mga darating na araw ang mga salita ng Panginoon sa Rom 8:28:

 

Alam nating sa lahat ng bagay ay gumagawa ang Diyos para sa mabuti kasama ang mga nagmamahal sa kanya.

 

 

MANTRA:

 

Sa maghapong ito, ulit-ulitin natin ang mga salitang:

 

Alam nating sa lahat ng bagay ay gumagawa ang Diyos para sa mabuti kasama ang mga nagmamahal sa kanya

 

(inspirasyon: Fr Jacques Philippe)

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS