IKA-ANIM NA LINGGO NG PAGKABUHAY
PAANO
NAGIGING TOTOO ANG PAGKABUHAY
Ang puso ng misteryo ng Pagkabuhay
ay hindi isang nakalipas na pangyayari kung saan nabuhay ang isang patay. Ang
Pagkabuhay ay hindi lamang pag-alala sa nakalipas na tagpo na naganap kay
Kristo, isang dakilang pangyayari na nasaksihan ng mga alagad, isang pangyayari
na bumuhay ng apoy ng pananampalataya sa puso ng mga alagad.
Madalas nating marinig ang mga
tagapangaral na ulitin ang mga salita ni San Agustin: Tayo ay isang bayan ng
Pagkabuhay at Aleluya ang ating awit. Ano pa ba ang kahulugan nito kundi ang
Pagkabuhay ay misteryong buhay at makabuluhan sa atin ngayon. Nabubuhay tayo sa
diwa ng ipinako at nabuhay na Panginoon. Nililiwanagan tayo ng Panginoon sa
ating buhay.
Paano ba ito nangyayari? Sa
pamamagitan ng kapangyarihan ng pag-ibig.
Ang Pagkabuhay ay hindi lamang isang tagpo. Ang Pagkabuhay ay isang atas
na ibahagi ang kagalakan at biyaya na na tinanggap natin mula kay Kristo. Sa
Mabuting Balita ngayon (Jn 15: 9-17) binibigyan tayo ni Hesus ng isang bagong
utos: Magmahalan kayo tulad ng pagmamahal ko sa inyo.
Seryoso ang atas na ito. Madaling
magmahal tulad ng pagmamahal natin sa sarili. Madaling magmahal ayon sa
pagmamahal na tinanggap natin. Madaling magmahal ayon sa natutunan nating paraan
ng pagmamahal. Pero ang magmahal tulad ng ipinakita ni Hesus, tila hindi madali
ito.
Ibig sabihin, magmamahal tayo
kahit nasasaktan; magmamahal na walang kapalit; magmamahal kahit hindi ka
pinapansin; magmamahal at magpapatawad; magmamahal sa banal at makabayaning
paraan; magmamahal sa paraang nagbibigay buhay sa kapwa. Hindi madali, di ba?
Pero ang sabi ni Hesus ngayon sa
atin, hindi tayo matatawag na kaibigan niya kung hindi tayo susunod sa kanyang
bagong utos. Nais ba nating maging mga kaibigan niya?
Ngayon ang ISIS ay laging nasa
balita. Itong mga Muslim na panatiko ang nagpapahirap sa maraming mga tao. Ang
target nila ay ang mga Kristiyano, ang mga minoridad na pamayanan, at pati ang
kapwa nila Muslim na hindi sumasang-ayon sa kanila. Ang kanilang mga kilos ay
nagsasabog ng takot at pagkamuhi.
Ang mga biktima ng ISIS ay
nagiging mulat sa isang mahalagang bagay. Naaakit sila kay Kristo, dahil sa
pag-ibig at suportang ibinibigay ng mga Kristiyano sa mga refugees; at sa mga
salita at kilos na nagdudulot ng kandili sa mga naghihirap.
Ayon sa mga balita, maraming mga
nakaranas ng hirap sa kamay ng ISIS ang nagnanais ngayon na maging mga
Kristiyano. At ito ay dahil sa pag-ibig na nararanasan nila mula sa mga
tagasunod ni Kristo. Ang Pagkabuhay ay nagiging buhay hindi sa pamamagitan ng
mga doktrina kundi sa pamamagitan ng pagmamahal.
Panginoon, turuan mo po akong
magmahal bilang iyong alagad, bilang iyong kaibigan. Bigyan mo po ako ng biyaya
na umibig tulad ng iyong pag-ibig. Tulungan mo po akong ibahagi ang pag-ibig na
bubuhay sa misteryo ng Pagkabuhay sa aking puso at sa puso ng aking kapwa.
Magawa ko sanang magmahal sa mga taong higit na nangangailangan ng aking
kalinga. Amen.