IKA-APAT NA LINGGO NG PAGKABUHAY, B
MGA KATANGIAN NG MABUTING
PASTOL
Kalimitan iniisip nating ang mga pastol ay mga
maaamong tagapag-alaga ng mga tupa. Siguro dahil ang unang tagpo na may pastol
sa Mabuting Balita ay sa kuwento ng Pasko, kung saan nagpakita ang anghel sa
mga pastol at dali-dali naman sumamba sa bagong silang na Sanggol ang mga
pastol na ito.
Ngayong ika-apat na Linggo ng Pagkabuhay,
pinagninilayan natin ang larawan ng Mabuting Pastol (Juan 10: 11-18). Si Hesus
ang Mabuting Pastol, at dahil sa mabuting dahilan din naman. Siya ang ganap na
pastol ng kawan, na nagtataglay ng mga katangian upang alagaan at ipagtanggol
ang kanyang mga tupa.
Unang-una, ang pastol ay dapat matapang at malakas.
Hindi maaaring maging pastol ang lampa at mahina. Sa Lumang Tipan, sinabi ni
David na bilang pastol, kailangan niyang pumatay ng mga leon. Sabi ni Hesus,
may mga pastol na tumatakbo kapag dumating na ang mabangis na hayop. Hindi
mabuti ang pastol na lumalayas upang unang ipagtanggol ang sarili kesa sa
kapakanan ng kawan.
Si Hesus ang Mabuting pastol dahil alam niya kung
paano ialay ang sariling buhay para mabuhay at managana ang kanyang mga alaga.
Subalit kailangan din na ang pastol ay banayad at
mapagkalinga sa kawan. Kung matapang siya laban sa mababangis na hayop, malapit
naman ang puso niya sa mga tupa niya.
Nakakagulat talaga pero totoong nakikinig ang mga tupa at sumusunod sa
kanilang pastol. Parang natural lamang na alam ng tupa na ang pastol ang kanilang
kaibigan.
Si Hesus ang Mabuting Pastol na umaakay sa tupa.
Kilala niya ang mga tupa sa isang malalim at personal na paraan at ginagabayan
niya ang bawat isa sa anumang pangangailangan nito.
Ngayon may mga pastol tayo sa katauhan ng mga
namumuno sa simbahan, sa pamahalaan, at sa tahanan. Matapang ba ang ating
pastol sa pagtatanggol sa kawan? Banayad
ba ang ating pastol sa pag-akay sa mga mahihina? Ipanalangin natin sa Panginoon
na ipadala sa atin ang mga pastol na may katangiang tulad ni Hesus.