IKALAWANG LINGGO NG PAGKABUHAY o LINGGO NG DAKILANG AWA NG DIYOS
DAPAT MARAMDAMAN ANG AWA
Hindi ba tila kakaiba na sa ating pagdiriwang ng
Linggo ng Awa at Habag ng Diyos, ang mabuting balita ay tungkol sa kawalan ng
pananampalataya ni Apostol Tomas?
Ang Pagkabuhay ay tungkol sa pananampalataya at ang unang reaksyon ni
Tomas ay hindi maniwala! (Jn. 20: 19-31)
Pero tila maganda din ngang ipagdiwang ang
Pagkabuhay sa gitna ng kaalaman na dumarami ang mga tao sa mundo na iniwan na
ang pananampalataya, tumatangging sumampalataya, hindi kayang manalig sa
mensaheng iniaalay ng Muling Nabuhay.
Kayraming hindi makapaniwala hindi dahil gusto
nilang huwag maniwala. Marami sa
kanila ay napipilitang huwag maniwala kasi hindi nila nararamdaman ang
Pagkabuhay, ang awa at habag ng Diyos na gumupi sa kamatayan. Hindi nila makita ang katotohanan ng
mensahe kasi wala silang makitang patunay nito.
Malaki ang koneksyon ng pananampalataya at awa o
habag ng Diyos. kapag naranasan ng mga tao ang awa ng Diyos, madaling magbukas
ang puso nila. Pero kapag hindi nasumpungan ang karanasang ng awa, paano nga ba
maniniwala? Tanging pagdududa lamang ang natitira.
Sa unang pagbasa, sinasabi sa atin kung paano lumago
ang samahan at pagkakaisa ng mga Kristiyano. Dahil ito sa pamayanang nagpapadama ng awa ng Diyos sa
lahat. Walang makasarili. Walang naiiwanan o hindi nabibigyang pansin (Gawa 4:
32ff). Ang pamayanan mismo ang pruweba ng habag ng Diyos.
Ngayon isang malaking hamon sa ating lahat ang bagay
na ito. Ang pagmamahal natin sa Divine Mercy ay nagdala sa atin sa landas ng
mga gawaing debosyon, bagay na pang-debosyon, at mga pagtitipong
pang-debosyon. Meron tayong mga
medalya, mga larawan, chaplet, pagluluklok ng imahen, nobena at panalangin sa
alas 3 ng hapon, atbp.
Nararanasan ba ng mga mahihirap at mga dukha ang awa
ng Diyos mula sa mga mananampalataya?
Ang mga salita at pangangaral ba natin ay nagiging kilos patungo sa mga
naghihirap sa paligid? Nangangaral
ba tayo ng habag ng Diyos pero walang pakialam sa iba at nagtatayo ng pader sa
pagitan natin at ng mga tao?
Ang huwaran natin ay si Hesus mismo, ang Dakilang
Awa ng Diyos. para kay Hesus, ang habag at awa ay ipinapadama. Kaya nga
nagpakita siya sa mga alagad na natatakot. Nilapitan niya si Tomas at hinayaang
hipuin ang kanyang mga sugat.
Ang habag ni Hesus ay hindi lamang salita kundi
makabuluhang kilos.
Panginoon, gawin mo po akong buhay na patunay ng
iyong habag sa pamamagitan ng pagiging mapagmahal at mapagkalinga sa mga taong
nangangailangan ng aking atensyon at pakikipagkaibigan ngayon at sa lahat ng
panahon.