IKALIMANG LINGGO NG PAGKABUHAY, B
HIGIT PA SA POWER
BANK
Paano ba madaling maunawaan ang
Mabuting Balita ngayon (Jn 15: 1-8)? Marami sa ating malayo sa kalikasan ang
hindi makaunawa kung paano ba apektado ng puno ng ubas ang mga sanga nito.
Gusto natin ng ubas, pero wala tayong tiyagang usisain pa ang nagaganap sa puno
at sa sanga.
Siguro isang pagkakatulad ang makikita natin ngayon sa
teknolohiya. Marami ang may cell phone, tablet, ipad, laptop at iba pang mga
gadgets. Isang bagay ang kailangan natin upang magamit ito saan man tayo
naroroon – ang power bank. Kapag wala nang power ang ating gadget, nandiyan ang
power bank upang ituloy ang gamit ng ating gadget.
Ganun din ang puno ng ubas at ang mga sanga. Ang puno ang
power bank para sa mga sanga. Ang mga sanga ay matutuyo at mamamatay kung hindi
nakakabit sa power bank. Walang lakas, walang buhay at hindi gagana ang sanga
kapag naputol o nawalay sa puno.
Subalit mas malalim at mas makahulugan pa ang ugnayang puno
at sanga. Ang puno ay di lamang nagbibigay buhay sa sanga. Ito rin ang nagiging
sanhi ng pagiging mabunga ng sanga. Sa sustansyang dulot ng puno, ang sanga ay
nagkakaroon ng malulusog na dahon, bulaklak at prutas. Ito ang sinasabi ni
Hesus ngayon; kapag nakaugnay tayo sa kanya, nais niya tayong mamunga.
Ang power bank, pinagagana lang niya ang mga gadgets. Nais
ni Hesus na ang ating buong buhay, bukod sa gumana, ay lalo pang mamunga – ang
pamilya, trabaho, pag-aaral, mga ugnayan, bawat mabuting hangarin, at ang ating
panalangin.
Si Hesus ang puno ng ating buhay, at tayo ang mga sanga.
Silipin natin ang ating puso at timbangin kunga gaano katibay ang ating
koneksyon sa Panginoon. Manatili nawa tayong naka-plug sa ating espirituwal na
power bank.