IKATLONG LINGGO NG PAGKABUHAY, B
MULING NABUHAY SUBALIT
MAHIRAP MAKILALA
Sa isang talakayan tungkol sa Pagkabuhay, nagtanong
ang isang babae. Bakit nga ba nang mabuhay muli ang Panginoong Hesus, hindi
siya nakilala agad ng mga apostol at mga alagad niya? Hindi ba, sabik silang
makita siyang muli? Hindi ba mahal na mahal nila siya?
Ngayong Linggo, sinasariwa ng Mabuting Balita ni San
Lukas (24: 35-48) ang problemang ito. Nagpakita ang Panginoong subalit ang
tugon ng mga alagad ay takot at sindak.
Nakita ni Hesus ang alinlangan at mga katanungan sa puso nila. Nagbunyi
ang mga alagad subalit, mayroon pa ring pagdududa. Tila hindi nga madaling makilala ang Muling Nabuhay.
Dalawa ang dahilan kung bakit ganito ang reaksyon ng
mga alagad. Una, ang Panginoon ay tunay, totoong nabuhay na mag-uli! Ngayon siya ay nagbago na! ang nangyari
kay Hesus ay hindi lamang ang
pagsasabuhay ng isang dating patay, ang pagbibigay buhay sa isang bangkay.
Tunay na nagbago siya. Siya pa rin si Hesus na Panginoon, subalit dapat niyang
isabuhay ang bagong antas ng pagbabago.
Nakakapasok na si Hesus sa isang silid na hindi
dumadaan sa pintuan. Bigla siyang
naglalaho kung tapos na ang kanyang mensahe sa mga alagad. Parehong Panginoon
pa rin, subalit, nababalot na ng kaluwalhatian. May nagbago, totoong nagbago, at hindi ito maunawaan agad ng
mga tagasunod niya.
Ikalawa, ang Pagkabuhay ay isang karanasan na dapat
tanggapin nang may pananampalataya. Hindi nagpakita si Hesus sa mga taong galit
sa kanya, nagpapatay sa kanya, at tumanggi sa kanya. Nagpakita lamang siya sa
mga taong nagtiwala at naniwala sa kanya upang patatagin sila sa
pananampalataya. Kung may Pariseo
o sundalong Romano sa silid kasama ng mga apostol, tiyak hindi rin nila
makikita o makikilala ang Panginoon. Bakit? Kasi hindi mo makikilala ang hindi
mo pinaniwalaan. Hindi mo makikita ang isang bagay kung sarado ang puso mo
dito.
Nasubok ang mg alagad. Mahal nila si Hesus at
nanalig sila sa kanya subalit nayanig ang kanilang pananampalataya. Kailangan ng
konting panahon upang maibalik ang kanilang pag-asa. Kaya nga, matiyagang
ginabayan ng Panginoon ang mga alagad upang mabuhay muli ang kanilang
pananampalataya. Nang magrikit na,
doon nila nakilala ang Panginoon.
Manalangin tayo upang makilala natin sa Hesus sa
gitna ng mga pagbabago ng buhay natin. Manalangin tayo upang maibangon ang
pananampalatayang nasubukan. Nawa ang Panginoong Muling Nabuhay ang maging
tunay nating kalakbay sa ating
buhay. Amen!