ARAW NG MGA BANAL AT ARAW NG MGA YUMAO - UNDAS
PAG-ALALA AT
PAGDIRIWANG
Dadagsa sa mga sementeryo ang mga
tao ngayong November 1 at 2 upang magdiwang ng pananampalataya. Ang mga
kapistahang ito ay tungkol sa buhay, na nakaugat naman sa pag-alala. Ang mga
kapistahang ito ay bunsod ng pagmamahal.
Ano ba ang mas higit pang
nakasalig sa Bibliya kundi ang pag-ibig ng Diyos na nagbabago sa makasalanan at
nagpapadalisay sa mga yumao para makarating sa langit. Lahat ito ay nasa Salita
ng Diyos!
Bakit tayo gumugunita ngayon?
Bakit tayo umaasa sa pangakong buhay sa kabila? Ito ay dahil sa naranasan natin
ang pag-ibig!
Sobrang makapangyarihan ang
pag-ibig ng Diyos na maraming mga
tao ang nagsalig ng kanilang buhay sa lupa upang maging paghahanda sa mas
mayamang buhay kasama ang Diyos. ito ang mga banal, ang mga santo na nasa
langit ngayon dahil nagtagumpay sa lupa.
Pinararangalan natin sila sa
simbahan, pati na rin ang mga hindi natin kilalang mga banal na naghasik ng
pag-ibig sa lupang ito. Tinanggap nila ang pagmamahal ng Diyos at tumugon sila
dito kaya ngayon nababalot sila ng pag-ibig. Sa paggunita sa kanila, tayo din
ay nakikinig sa pag-ibig ng Diyos at nagiging matapat sa kanya.
Inaalala din natin ang mga yumao
na minamahal natin. Sa mata ng tao, sila’y patay na, pero sa mata ng Diyos sila
ay buhay na buhay pa rin. Ang iba ay nasa langit na… ang iba ay naghahanda at
pinadadalisay pa.
Pag-ibig din ang ugnayan natin sa
mga yumao. Hindi kandila, o bulaklak kundi panalangin at pag-ibig ang siyang
nagiging tulay natin sa kanila. Ang pag-alala sa mga yumao ay pagpaparangal sa
Diyos na Panginoon ng buhay.
May buhay sa kabila ng kamatayan. Kaya patuloy
tayong nag-aalala, umaasa at nagmamahal.