IKA-29 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON, B




MABAGAL NA PANG-UNAWA… MAHABANG PASENSYA



Nakausap ko ang isang propesor sa kolehiyo. Nagbigay siya ng exam sa isang estudyante at nadiskubre niyang hindi nito alam ang mga aralin sa klase. Nagtanong siya ulit subalit lalong maling-mali ang sagot ng estudyante. Napasigaw sa galit ang propesor. Masakit daw sa puso kapag iisiping hindi naunawaan ng isang tao ang itinuturo sa kanya.

Ganito rin kaya ang pakiramdam ng Panginoong Hesus noong matuklasan niyang hindi nauunawaan ng mga alagad ang kanyang mga turo? Sina Santiago at Juan na magkapatid ay lumapit upang hingin na maging kanang kamay at kaliwang kamay ni Hesus kapag naghahari na siya (Mk. 10: 35ff). katatapos lang magturo ni Hesus tungkol sa kanyang paghihirap, pagpapakasakit at kamatayan para sa pagsagip sa mundo.

Ang aral niya ay tungkol sa paghihirap, at ang mga alagad ay naghahanap naman ng sarap!

Nagalit ang sampu pang alagad as magkapatid. Naunawaan kaya nila ang aral ni Hesus? Alam kaya ng sampu na sakripisyo ang hinihingi ng Panginoon para sa kanyang misyon? Naku, HINDI! Nagalit ang sampu kasi naunahan sila ng dalawa sa paghingi ng puwestong gusto rin nilang marating. Hindi rin nila naunawaan ang aral ng Panginoon.

Hindi dalawa kundi labindalawa ang mali ang pang-unawa sa mensahe ni Hesus!

Siguro, iniisip natin: “Ano ba naman iyan uy? Bakit hindi ninyo maintindihan? Ang bagal-bagal ninyo e! (Hindi ba ganito rin lagi si Lola Nidora kapag mabagal ang pang-intindi ng mga Rogelio-Rogelio-Rogelio?)” Pero teka lang. Ganito rin tayo kabagal umunawa sa Diyos e.

Alam natin ang gusto ng Diyos na mangyari, pero di ba iyong gusto natin ang ginagawa natin? Alam natin ang landas na dapat tahakin, pero di ba, sa ibang direksyon tayo pumupunta? Alam natin kung ano ang dapat ikilos, pero ang sigaw ng puso natin at hindi ng Diyos ang ating sinusunod!

Kung propesor si Hesus, siguro nasigawan na tayo at bagsak na tayo. Pero iba ang Panginoon. Buong pasensya siyang nagturo sa mga tao: kung nais ninyong maging dakila… kung nais ninyong maging una… maglingkod ka… maging tagasilbi ka ng kapwa… At inialay pa niya ang sarili niyang halimbawa: ang Anak ng Tao ay naparito hindi upag paglingkuran kundi upang maglingkod.

Panginoon, sa mga panahong hindi kita nauunawaan, buong tiyaga mo po aking turuang muli na may pasensya, kababaang-loob at kapayakan ng puso. Amen.


Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS