IKA-28 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON, B
PALAWAKIN PA!
Nakakapagpalubag-loob ba na
marinig ang Panginoon na sabihin sa Mabuting Balita (Mk 10) ngayon na mahirap
pumasok sa Kaharian ng Langit? Sinabi niya ito dalawang beses, unang tinutukoy
ang mga mayayaman; ikalawang tinutukoy ang lahat.
Nasabi ito ng Panginoon matapos
masaksihan ang paglalakbay ng isang kabataang lumapit sa kanya na nais marating
ang buhay na walang hanggan. Malinaw na naghahanap siya sa Diyos. Malinaw na
nagtatanong siya, nag-iisip siya.
Bukod diyan malinaw na interesado
siya sa kaharian ng Diyos. Nagliliyab sa puso niya ang buhay na kaaya-aya sa
Panginoon. Ang puhunan niya ay ang pagsunod sa mga utos.
Subalit paliwanag ng Panginoon,
hindi sapat ang interes. Hindi rin sapat ang pananabik. Kailangang palawakin pa
ang pagpapagal. Kailangang buksan pa ang puso. Kailangang maging mas mapusok at
malikhain pa sa pagsunod sa pangarap. Ipagbili mo ang lahat… ipamigay mo ang
lahat, iyan ang sikreto, sabi ng Panginoon.
Isang babala (asawa ni babalu)
ang bigay ni Hesus, laban sa pagiging kuntento sa “puwede na”. Sabi ng
born-again Christian: basta tanggapin mo si Hesus sa puso, puwede na. Sabi ng
Protestante: basta nasa Bibliya iyan, puwede na. Sabi ng Katoliko: basta sundin
mo ang sabi ng simbahan, pasado na. Tila yata sinasabi ng Panginoon: hindi
sapat ang relihyoso o espiritwal ka lang. Iunat mo pa ang iyong kamay sa mga
nangangailangan. Buksan mo pa ang puso mo sa mga dapat mahalin.
Sa praktikal na buhay, puwede na
sa estudyante ang makapasa lang sa finals. Puwede na sa asawa na mapunan ang
pangangailangan ng pamilya. Puwede na rin sa may trabaho ang matapos lamang ang
gawain. Tila sinasabi ng
Panginoon: mag-aral para sa buhay at hindi sa grado lamang; maging tunay na
mapagmahal sa asawa at mga anak; gawing misyon ang trabaho at hindi lamang
sanhi ng pera.
Ang mga banal ay mga taong
naunawaan ang sinasabi ng Panginoon. idinagdag nila sa kanilang pagnanasa at sa
kanilang pagpupunyagi ang buong pagtutok ng puso at kaluluwa tungo sa kaharian
ng langit. Mas umusod pa sila. May pinalawak pa at binanat pa hanggang kaya
nila; hindi lamang inasam ang langit kundi isinabuhay bilang isang maligayang
pakikibaka sa buhay.
Panginoon, bigyan mo po ako ng
biyayang marating ko ang kaharian mo…