IKA-27 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON, B
TAGA-PANUMBALIK NG UGNAYAN
Isang lalaki ang nagpakasal sa pag-asang magkakaroon siyang ng
maligayang buhay sa piling ng asawa at magiging mga anak. Subalit kaiba sa
ugali niyang simple, ang asawa niya ay mahilig sa luho ng mundo. Dahil dito,
iniwan ng babae ang lalaki at nag-asawa ng panibago.
Gumuho ang buhay ng lalaki. Nagdusa siya ng kahihiyan, pagtuya,
tsismis, at kalungkutan dahil sa ginawa ng babae. Lalo siyang nanalangin sa
Diyos na hanguin siya sa kanyang kalagayan. Biniyayaan siya ng Panginoon ng
isang babaeng mabuti at simple ang puso gaya niya. Matapos ang annulment ng
kanyang unang kasal sa simbahan, masayang ikinasal siya muli ngayong taon.
Ngayon ay tila mahirap makatagpo ng relasyon na perpekto, iyong laging
matamis at panatag. Pati nga ang “Aldub” love team, na pinagkakaguluhan sa
buong bayan ay may mga tampuhan at away din, at hindi panay sweet na dubsmash
ng : “God gave me you” at “Dalin (darling), I…”
Sinasabi sa atin ng Panginoong Hesus sa Mabuting Balita ngayon (Mk 10)
na huwag daw paghiwalayin ng tao ang anumang pinag-isa ng Diyos. Pero libot ng maraming panganib ang mga
ugnayan ng mag-asawa ngayon – di pagkakaunawaan, mga personal na ugali o bagahe
sa buhay, magkaibang pananaw, problema sa pagiging malambing o sex, galit, di
pagiging tapat at iba pa. Sa kabila ng magandang intensyon ng Diyos,
napakaraming mga sanhi ng pagkawasak ng magandang mga ugnayan.
Ano ang gagawin? Natural na kailangan nating ipaglaban ang ating mga
minamahal. Kailangang maging handa na magsikap, magsakripisyo upang manatili
ang pag-ibig. Subalit kailangan din na hingin ang pagpapala ng Diyos sa lahat
ng sandali. Siya ang nag-uugnay. Siya ang nagpapatibay. Siya ang
nagpapanumbalik ng pag-asa, paghilom at pagpapatawad sa mga taong nasiphayo ang
puso.
Ipagdasal natin ang lahat ng mag-asawa ngayon lalo na ang nasa mahirap
na sitwasyon. Ipagdasal natin ang mga nasa seryosong ugnayan. Naway basbasan
sila ng Diyos ng tapang at lakas. At para sa mga dumadaan sa mapait na yugto ng
buhay ugnayan, ipagdasal nating sila ay makasumpong ng pagpapanumbalik ng
kaligayahang kanilang inaasam.